Nais ng House prosecution panel na salitan at kada Article of Impeachment ang presentasyon ng ebidensiya sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte upang maging mas organisado at nakatutok ang mga pagdinig.
Sa tatlong-pahinang Manifestation na may petsang Hulyo 27, hiniling ng 11-miyembrong panel na matapos muna ang pagpapakita ng ebidensiya ng magkabilang panig sa isang paratang bago lumipat sa susunod.
“The Prosecution respectfully signifies its preference for an alternating presentation of evidence by the Prosecution and the Respondent on an article-by-article basis,” nakasaad sa manifestation.
Nilagdaan ito ng lahat ng House public prosecutors sa pangunguna ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.
Sa panukalang ayos, unang maglalatag ng ebidensiya ang prosekusyon sa isang impeachment article. Agad namang ihaharap ng kampo ni Duterte ang depensa nito sa parehong paratang bago talakayin ang susunod na artikulo.
Ayon sa panel, makatutulong ang ganitong sistema upang makapagpokus ang impeachment court at magkabilang panig sa isang paratang. Mas magiging organisado rin umano ang presentasyon at mas malinaw na masusuri ang magkakahiwalay na usaping legal at factual sa bawat artikulo.
Mabibigyan din nito umano ang Bise Presidente ng agarang pagkakataong sagutin ang ebidensiyang iniharap laban sa kanya. Magkakaroon naman ang senator-judges ng mas buo at magkakaugnay na rekord para sa bawat paratang.
Gayunman, kinilala ng prosekusyon na nasa Senate impeachment court pa rin ang pagpapasya sa magiging pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng ebidensiya. Ang usaping ito ay “properly rests within the constitutional authority and sound discretion” ng korte, ayon sa manifestation.
Inihayag din ng panel ang “full willingness to abide by whatever procedure the Impeachment Court, in the exercise of its constitutional authority, ultimately adopts.”
Natapos na noong nakaraang linggo ang presentasyon ng prosekusyon sa artikulong may kinalaman sa umano’y pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa muling pagdinig sa Miyerkules, inaasahang sisimulan ng prosekusyon ang pagtalakay sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Binanggit din sa manifestation ang 2012 impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona. Bagama’t nauna noon ang buong presentasyon ng prosekusyon bago ang depensa, naging maluwag umano ang aktuwal na pagkakasunod-sunod ng ebidensiya at mga testigo.
“The Corona proceedings thus confirm that the sequencing of evidence is a matter committed to the sound discretion of the Impeachment Court,” ayon sa manifestation. /Bistado


