Isinusulong ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang pagpaparami ng isdang samaral para mapalawak ang aquaculture industry at makalikha ng dagdag na kabuhayan para sa mga mangingisda at fish farmer.
Ang samaral ay kabilang sa mga siganid o rabbitfish (Siganus spp.). Tinatawag din itong danggit, kitong, malaga o padas, depende sa uri at lugar.
Ayon sa ahensya, malaki ang potensiyal ng isda dahil mayroon nang teknolohiya para sa pagpaparami, lumalaki ang produksiyon at may umiiral nang merkado. Maaari rin itong lumikha ng mga oportunidad sa pag-aalaga, pagproseso at pagbebenta.
“By giving fisherfolk direct access to technology and strong market support, we can boost the production of samaral nationwide,” ani DA-BFAR National Director Elizer S. Salilig.
Pamilyar na sa maraming pamayanang baybayin at mamimiling Pilipino ang samaral dahil sa maputing laman, natatanging lasa at paggamit nito sa iba’t ibang putahe.
Mayroon nang mga pamamaraan para sa controlled breeding, hatchery seed production, nursery at grow-out. Napatunayan na rin ng mga mananaliksik ang buong-taong produksiyon ng binhi ng Siganus guttatus.
Maaaring alagaan ang samaral sa mga palaisdaang may maalat-tabang na tubig at iba pang angkop na culture system, kabilang ang kasalukuyang aquaculture infrastructure. Maaari itong pakainin ng natural algae, piling seaweed at formulated feeds, kaya mas maluwag ang pagpipilian sa feeding at farm management.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umakyat ang aquaculture production ng samaral mula 153.89 metric tons noong 2021 sa 361.57 metric tons noong 2025. Bagama’t maliit pa kumpara sa mga pangunahing produktong aquaculture, ipinakikita ng pagtaas ang puwang para sa mas malawak na komersiyal na produksiyon.
Bukod sa sariwang isda, maaari ring gawing dried, smoked, marinated, deboned at ready-to-cook products ang samaral upang madagdagan ang halaga nito sa merkado.
“As we aim to improve the wellbeing of our fisherfolk, we see samaral as a strong opportunity to boost their livelihoods. Developing this species goes beyond simply producing more fish. We want to strengthen the entire value chain so its growth creates sustainable income for our fisherfolk and fish farmers,” dagdag ni Salilig.
Target ng DA-BFAR na pag-ugnayin ang teknolohiya, produksiyon, pagproseso at merkado upang mapaunlad ang samaral bilang mas malaking produktong aquaculture at pangmatagalang pagkakakitaan sa mga pamayanang baybayin. /Bistado


