DUMAGUETE CITY — Umabot sa 78,352 ektarya ng taniman ng tubo sa Negros Island Region (NIR) ang naiulat na apektado ng red-striped soft scale insect (RSSI), pinakamalawak sa mga rehiyon sa Visayas batay sa pinakahuling datos ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Sa ulat ng SRA, 28,464.75 ektarya pa lamang sa 423 barangay ang nabeberipikang apektado. May kabuuang 239,215.62 ektarya ng taniman ng tubo sa NIR.
Nasa 11,461 sugarcane farmers sa rehiyon ang naiulat na apektado, kumpara sa 767 sa Western Visayas, 93 sa Eastern Visayas at lima sa Central Visayas.
Sa Western Visayas, 12,308 ektarya ang naiulat na tinamaan ngunit 1,523.54 ektarya pa lamang ang validated. Nasa 1,800 ektarya naman ang naiulat sa Eastern Visayas, kung saan 592.50 ektarya ang nabeberipika. Sa Central Visayas, 10.30 sa iniulat na 320 ektarya ang validated.
Handang maglabas ang pamahalaang panlalawigan ng Negros Oriental ng P15 milyon mula sa Quick Response Fund para bumili ng systemic insecticides at mapigil ang pagkalat ng peste.
Idineklara ng Sangguniang Panlalawigan noong July 21 ang state of calamity sa Negros Oriental dahil sa malawakang infestation.
“Now, we are free to use 30 percent of our Quick Response Fund to respond to the RSSI situation, including African Swine Fever if needed,” ani Governor Manuel Sagarbarria.
Unang magbibigay ng tulong ang provincial government, habang magmumula sa national government at mga local government unit ang mga susunod na intervention.
“The RSSI is spreading rapidly, so the sooner we act, the better,” giit ni Sagarbarria.
Ayon sa gobernador, systemic chemicals ang bibilhin ng lalawigan. Ang iba pang hakbang, kabilang ang aerial spraying gamit ang mga drone o eroplano, ay pangangasiwaan ng Department of Agriculture (DA) dahil hindi ito kayang pondohan ng pamahalaang panlalawigan.
Sa Negros Occidental, inanunsyo naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang P10,000 financial assistance para sa mga apektadong sugarcane farmer. Ilalabas ang tulong sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.
Itinutulak din ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona na magkaroon ng iisang estratehiya ng Negros Oriental at Negros Occidental para makontrol at tuluyang mapuksa ang RSSI sa dalawang lalawigan. /Bistado


