QUEZON CITY — Umabot sa 51 katao ang inaresto sa mga kilos-protesta kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes dahil sa umano’y vandalism at iba pang paglabag sa batas at lokal na ordinansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., may legal na batayan ang pag-aresto dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act, at mga lokal na ordinansa laban sa pagtatakip ng mukha.
“We have a reason to have a valid arrest and they were accosted because of violations of ordinances and special laws, particularly RA 9003, BP 880, and local ordinances, lalo na ‘yung magtatakip ng mukha,” ani Nartatez.
“Bawal naman magtatakip ng mukha lalo na ‘yung nangyari noong September last year. Ayaw natin payagan na sila pa ay magpatuloy na manggulo dyan sa kalsada and maapektuhan of course ‘yung tahimik na nagpo-protesta,” dagdag niya.
Sa video na inilabas ng Quezon City Police District (QCPD), makikita ang ilang nakaitim at nakabalaclava habang isinusulat gamit ang spray paint ang “sindikato” at “corruption” sa pader ng isang Meralco substation malapit sa Commonwealth Avenue northbound at Tandang Sora Avenue.
Unang iniulat ng QCPD na hindi bababa sa limang tao ang dinala sa himpilan para tanungin. Kalaunan, iniulat ni Nartatez na 51 na ang naaresto.
Ayon kay QCPD director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, anim sa 51 ang inaresto kaugnay ng vandalism. Hindi pa agad tinukoy ng pulisya ang partikular na paglabag na ibinibintang sa bawat isa sa iba pang dinakip.
Hindi pa rin natitiyak noon ng PNP kung kabilang ang mga naaresto sa mga grupong binigyan ng permit para magrali.
“Alam naman nila sa MOU, alam naman ng lahat ng organizer kung ano ang bawal at hindi. Katulad diyan, may gumawa na sa kanila. Check din natin sa leaders kung member pa nila ‘yun,” ani Silvio.
Umalma naman ang Vandals United at kinilalang mga kasapi nito at ng Hiphop United, Skaters United at Defend the Hood ang mga dinakip.
“Fifty-one is the number of those arrested and jailed by the police, including three paralegals and 13 minors,” ayon sa grupo.
“According to witnesses, as long as they were wearing black and their faces were covered, police arrested them, even if they were just sitting down and standing by on the curb,” dagdag nito.
Ayon sa abogadong mula sa SENTRA at National Union of Peoples’ Lawyers, 13 sa mga inaresto ang menor de edad. Bandang 4:33 p.m., 34 sa 51 ang nasa loob ng bus ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Karingal.
Iginiit ng Vandals United na nakaranas din ng pag-aresto ang kanilang mga miyembro sa mga protesta noong Sept. 21, Nov. 30 at Feb. 25.
“The police and local government have long targeted the youth, the poor and the ordinary citizens just because they can. This is only one proof that the police can only be bold and violence to the everyday Filipino,” pahayag ng grupo.
Wala pang tugon ang PNP sa pinakahuling alegasyon ng grupo hanggang sa oras ng pag-uulat. /Bistado


