“Sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita.”
Yan ang pahayag ni dating Speaker at Tacloban Rep. Ferdinand Martin Romualdez matapos ang pahaging sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kakatapos na State of the Nation Address.
Sa ikalimang SONA ni Marcos, sinabi niya, “Dumating na tayo sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghain ng patong-patong na kaso laban sa dating speaker. Masakit man sa atin ito, ngunit kailangan nating gawin ang tama. Hindi ako pangulo ng aking pamilya. Hindi ako pangulo ng aking kaibigan.”
Ayon kay Romualdez, iginagalang niya ang naging pahayag ni Marcos kaugnay ng mga alegasyon sa maanomalyang flood control projects at hindi siya humihingi ng pabor o espesyal na pagtrato.
Magpinsan sina Marcos at Romualdez at matagal na naging malapit na magkatuwang sa politika. Sinabi ni Romualdez na mabigat sa kanilang pamilya ang pahayag ng Pangulo, ngunit iginagalang niya ang posisyon nito.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato,” pahayag ni Romualdez.
Sa SONA, sinabi ni Marcos na kailangan niyang unahin ang kanyang tungkulin sa bansa kahit masakit para sa kanya ang usapin.
Dagdag ng Pangulo, ang kanyang tungkulin ay sa bansa at sa mga kapwa Pilipino.
Ang gusot sa flood control ang unang malaking paksang tinalakay ni Marcos sa kanyang talumpati. Noong 2025 SONA, binatikos niya ang mga opisyal at kontratistang umano’y nagsabwatan upang nakawin ang pondong inilaan sa imprastraktura at binitiwan ang katagang “Mahiya naman kayo!”
Kasunod nito ang malawakang imbestigasyon na umabot umano sa mga kontratista, matataas na opisyal at mambabatas.
Nauna nang iginiit ni Romualdez na walang iisang tao ang may kontrol sa buong proseso ng pambansang badyet. Hindi rin umano siya naiugnay sa alinman sa mga pangunahing kumpanyang nakakuha ng flood control projects. Sinabi rin ng kanyang abogado na si Elaine Atienza na handa siyang harapin ang posibleng mga kaso at patunayan ang kanyang panig sa patas na pagsusuri ng ebidensya.
Para kay Romualdez, ang tamang hakbang ay hayaang umusad ang due process.
“Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas. At handa akong patunayan ito,” ani Romualdez. /Bistado


