Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

3 nasawi sa Tacloban shooting, pinarangalan sa SONA; school safety tututukan

Sa gitna ng mga numero at programa sa State of the Nation Address (SONA), tumigil si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang alalahanin ang tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Pinangalanan ng Pangulo sina Chris Lorenz Fabian, Joyancee Separa at Ayessa Nicole Dazo. Pinuri niya ang kanilang tapang at pagsasakripisyo bilang “true Filipino qualities” at bilang inspirasyon sa buong bansa.

Naganap ang pamamaril bandang 9:20 ng umaga noong Hunyo 22, 2026. Tatlong estudyante ang namatay at 13 ang nasugatan.

Hanggang ngayon, hindi pa rin tiyak ang motibo. Sinabi ng pulisya na sumasailalim pa sa beripikasyon ang pahayag ng isa sa mga suspek na nakaranas siya ng bullying. Iniimbestigahan din kung planado ang pag-atake at kung paano naipasok ang mga baril sa campus na may mahigit 1,600 estudyante ngunit dalawang security guard lamang, ayon sa naunang ulat.

Sa SONA, pinalawak ni Marcos ang usapin mula sa karahasan sa paaralan tungo sa mga banta sa kabataan. Kabilang sa kanyang binanggit ang “fake news,” “casual violence,” at “toxicity and hate culture” sa social media. Iniugnay niya ang mga ito sa suliranin sa mental health, teenage pregnancy at pagdami ng kaso ng HIV/AIDS.

Giit niya, ang pagprotekta sa kabataan ay “community responsibility.” Dapat umaksyon ang pamahalaan, pamilya, paaralan, simbahan, industriya at komunidad. Ang eskuwelahan, aniya, ay dapat maging “pangalawang tahanan.”

Kabilang sa tugon ng administrasyon ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, barangay, Philippine National Police at Department of Education upang higpitan ang seguridad. Inatasan din ang DepEd na tiyaking gumagana at nauunawaan ang mga proseso sa pag-uulat at pagtugon sa bullying at emergency.

Hinahanda rin ang mga principal at guro para mamagitan sa alitan ng mga estudyante. Isang unang batch ng 10,000 School Counselor Associates ang ipapasok sa public schools upang may malapitan ang mga bata sa mabibigat na problema at alalahanin. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles