Matapos tuldukan ang tatlong sunod na kamalasan, target ng Titan Ultra na ipagpatuloy ang panalo sa pagharap sa Macau ngayong Sabado sa PBA Governors’ Cup sa Ynares Center Antipolo.
Hangad ng Giant Risers na sundan ang kanilang 103-87 panalo laban sa reigning champion TNT noong Hulyo 22 upang umangat sa 2-3 kartada sa Group A.
Magsisimula ang laban sa ganap na 5:15 p.m.
Nabawasan ang pressure kay coach Rensy Bajar dahil natapos na ang 10 sunod na pagkatalo mula pa noong huling Commissioner’s Cup.
“Napakahirap nu’ng three straight losses. How you motivate the players, how you motivate the team. But … I told them just to enjoy the game, don’t think about winning right away,” ani Bajar.
“I’m very happy nasunod ang gameplan namin, ‘yung challenge ko with them, especially on defense. Lahat nasunod nila, so hopefully this will be the start na maging maganda ‘yung conference namin.”
Sa unang tingin, may bentahe ang Titan dahil wala pang panalo ang Macau matapos ang apat na laban, sa kabila ng magagandang ipinakitang nina De’Vondre Perry, Damien Chongqui, Ramon Cao at Kobey Lam.
Gayunman, kung maulit ng Giant Pandas ang ipinakita nilang laban sa 103-106 pagkatalo sa Tropang 5G noong Hulyo 19, kung saan nakabawi sila mula sa 18 puntos na pagkakaiwan sa fourth quarter, maaaring mahirapan ang Giant Risers.
Isa sa mga sandata ng Titan ay ang import na si Tirrell Brown, na hindi nakalaro sa unang dalawang laban ng Giant Risers dahil sa ilang personal na dahilan ngunit ngayon ay nakapag-adjust na nang husto.
“He’s very vocal to the players, na to just keep on playing defense,” kwento ni Bajar tungkol kay Brown, na nagtala ng 29 puntos, 10 rebounds, 5 assists at 3 steals laban sa TNT.
“It was very important … for me, personally, just to prove to everybody that I belong here, whatever, and also for the team. They were looking for a first win and I’m happy that I could help get them a first win,” ani Brown.
Samantala, magsasagupa ang Terrafirma (1-3) at TNT (1-1) simula 7:30 p.m.
Desperado ang Dyip na maputol ang tatlong sunod na pagkatalo na maaari sanang nauwi sa panalo.
Natalo ang koponan ni coach Ronald Tubid sa NLEX ng isang puntos (100-101), sa Converge ng dalawang puntos (103-105), at sa San Miguel Beer ng limang puntos (104-109).
Masakit para sa Terrafirma ang mga pagkatalo, bagamat napatunayan nilang kaya nilang makipagsabayan sa malalakas na koponan.
Muntik nilang mabura ang 23 puntos na lamang ng NLEX matapos dominahin ang Road Warriors sa fourth quarter bago kapusin sa dulo.
Una silang nagpakitang-gilas matapos tambakan ang Titan Ultra Giant Risers, 113-100, noong Hulyo 10.
Samantala, dinomina ng import na si KJ Buffen ang buong laro upang dalhin ang Magnolia kontra Meralco, 112-98, sa unang laro sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City kagabi (Byernes).
Umiskor si Buffen ng 26 puntos – 22 sa first half – at dinala ang Hotshots sa unang panalo matapos sumemplang sa unang dalawang laro.
Bumagsak sa ikatlong pwesto sa Group B ang Bolts sa kartada 2-2.
First Game
MAGNOLIA 112 – Buffen 26, Lucero 20, Sangalang 16, Barroca 14, Lastimosa 13, Dela Rosa 9, Lee 6, Jopia 4, Alfaro 4, Andrada 0, Verano 0, Koon 0.
MERALCO 98 – Hester 28, Cansino 12, Quinto 11, Black 10, Newsome 9, Banchero 7, Hodge 6, Maliksi 6, Brickman 5, Mocon 2, Bates 2.
Quarters: 31-20; 60-55; 84-77; 112-98


