Sasabak ang 13 Pilipino sa Asian Youth and Junior Championships na gaganapin Agosto 7-14 sa Tashkent, Uzbekistan.
Pangungunahan ang kampanya ng bansa ni Albert Delos Santos, edad 19 at mula Zamboanga City, na lalahok sa Youth 70kg category.
Nakamit niya ang titulo sa 71kg at nagtala ng bagong world record na 187kg sa clean and jerk sa IWF (International Weightlifting Federation) World Junior Championships sa Ismailia, Egypt noong Mayo.
Ginawa niya yun habang nagdadalamhati pa sa pagpanaw ng kanyang ama, dalawang buwan bago ang torneo.
Ang isa pa niyang gintong medalya ay napanalunan sa best total combined weight na 326kg.
Nalampasan niya ang dati niyang rekord na 185kg na naitala sa IWF World Championships sa Forde, Norway noong Oktubre ng nakaraang taon.
Nasungkit din niya ang silver medal sa parehong weight class sa Thailand Southeast Asian Games noong Disyembre 2025.
Kasama rin sa biyaheng Uzbekistan ang mga kababayan na sina Althea Bacaro (W45kg, Youth), Alexsandra Ann Diaz (W49, Youth and Junior), Angeline Colonia (W49, Junior), Jhodie Peralta (W53, Youth and Junior), Rosalinda Faustino (W57, Junior), Jay-r Colonia (M55, Youth), Kirby Kent Alas-as (M60, Youth) at Mango Prince David Tarro (M65, Junior).
Kabilang din sa pupunta sa Uzbekistan sina Mae Palagtiw (W69, Youth), Rhianne Cabalida (W77, Youth) ng Cebu City; at Jerick Icon Castro (M60, Youth) at Prince Keil Delos Santos (M60, Junior) ng Angono, Rizal.
Ang coaching staff ay binubuo nina Gregorio Colonia, Patrick Cielo Lee, Allen Jayfrus Diaz, Diwa Delos Santos at Kelle Kay Rojas.
Ang presidente ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas na si Monico Puentevella ang magsisilbing head of delegation na nakatakdang umalis sa Agosto 3.
Noong nakaraang linggo, nagwagi ang Pilipinas ng 16 medalya sa IWF World Youth Championships sa Cali, Colombia.
Ang mga medalista ay sina Diaz (3 ginto), Colonia (1 ginto, 2 pilak), Peralta (2 pilak), Palagtiw (2 pilak), Bacaro (1 pilak, 1 tanso), Cabalida (2 pilak, 1 tanso), at Alas-as (1 pilak).


