Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Prosecution: Lascañas affidavit, batayan lang ng NBI

Isa lamang ang affidavit ng dating pulis na si Arturo Lascañas sa mga materyales na sinuri ng National Bureau of Investigation (NBI) at hindi ito iniharap bilang patunay na totoo ang lahat ng alegasyon nito, paglilinaw ng House prosecution nitong Biyernes.

Ayon kay private prosecutor at legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., binanggit ni NBI Director Melvin Matibag ang dokumento para ipaliwanag kung bakit itinuring ng ahensya na seryoso, aktibo at nagpapatuloy ang umano’y banta laban kay President Ferdinand Marcos Jr.

“Sinabi niya ito para ipaliwanag ano ang mga naging batayan na ginamit ng NBI noong nag-conduct sila ng investigation para ma-consider na serious, actual and ongoing iyong threat against the life of the President, at kung bakit ito umabot doon sa level ng national security concern,” ani Tolosa.

Sinuri ng NBI ang affidavit kasama ng iba pang impormasyong may kaugnayan sa umano’y kakayahan ng Bise Presidente na isakatuparan ang banta. Gayunman, hindi tumestigo si Lascañas sa impeachment court.

“Para to be fair, sabi nga ni Director Matibag, ipinresenta ito not to prove the contents dahil wala naman si Mr. Lascañas para magtestigo dito,” ani Tolosa.

Iginiit din niyang hindi awtomatikong nawawalan ng legal na epekto ang dokumento dahil hindi ito notarized.

“Iyong fact na hindi siya notarized, hindi naman iyan nangangahulugan kaagad na wala nang kahit anong legal effect ang isang dokumento. Hindi nangangahulugan na it should be treated as mere trash,” aniya.

Kinuwestiyon ng depensa ang kredibilidad ni Lascañas dahil naiiba ang kaniyang affidavit sa testimonya niya sa Senate inquiry noong 2016. Para kay Tolosa, kailangang suriin ang paliwanag sa pagbabago ng salaysay at hindi sapat ang pagtukoy lamang sa pagkakasalungatan.

“Hindi ibig sabihin na kapag nagbago ang statement ng isang tao, hindi na puwedeng pagkatiwalaan kung ano ang kanyang huling pahayag. It’s on a case-to-case basis,” aniya.

Sa affidavit, isinulat ni Lascañas na “denied everything” siya noong October 3, 2016 Senate inquiry matapos umanong makatanggap ng tagubilin mula sa mga opisyal na pinangalanan niya, kabilang sina noo’y PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa at Senator Alan Peter Cayetano, para protektahan si dating President Rodrigo Duterte.

Inilahad din niya: “A couple of hours later, then Senator Alan Peter Cayetano arrived and briefed us regarding the conduct of the Senate inquiry.” Inakusahan niyang sinabihan sila ni Cayetano na “just deny everything.”

Nananatiling mga alegasyon ni Lascañas ang mga ito. Hindi pinatutunayan ng mga sipi lamang na nangyari ang kaniyang mga ibinibintang.

Ayon naman kay House impeachment adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, naging mahalaga sa NBI ang affidavit dahil naglalaman ito ng mga alegasyon ng mga utos na iniuugnay kay Duterte noong Davao City mayor pa siya.

“Mahalaga kasi iyong testimony o affidavit ni Arturo Lascañas, kung saan mayroon siyang sinabi doon na may orders coming from then-Mayor Sara Duterte na somehow related doon sa order na magkaroon ng kidnapping at sinasabi nilang extrajudicial killings,” ani Barbers.

“Let’s not look at the affidavit as the only evidence na ipinresenta ng NBI, kasi parte lamang ito ng ebidensya na dapat balansihin at tingnan ng ating impeachment court,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Tolosa ang limitasyong itinakda ng presiding officer: bahagi ang dokumento ng paliwanag ni Matibag tungkol sa mga materyales at lead na sinuri ng NBI, “but it should not be taken as the truth of that statement.”

“Ultimately, the one that will decide whether the evidence is admissible or not ay ang ating impeachment court,” ani Barbers. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles