Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Lacson binulgar ang umano’y P2.385-B Taguig infra anomalies

Umakyat sa P2.385 bilyon ang halaga ng slope protection at drainage projects sa Taguig City na binubusisi ng grupo ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson matapos makakita ng tatlo pang proyektong tig-P100 milyon sa ilalim ng 2025 national budget.

Ayon kay Lacson, dalawa sa mga item ang lumilitaw na magkahiwalay na appropriations para sa iisang slope protection project. Dahil dito, sinabi niyang posibleng “ghost” ang isa sa mga ito.

“From P2.085B as earlier reported we found three-P100M additional slope protection projects for a new total of P2.385B insertions under the 2025 GAA. Two items appear to be double appropriations, involving two (2)-P100M for the same slope protection project. One of the two must be ghost,” ani Lacson sa X nitong Miyerkules.

Nauna niyang iniulat na nakapagdokumento ang kanyang grupo ng hindi bababa sa dalawang case study kaugnay ng pinaghihinalaang ghost infrastructure projects sa Taguig, na balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

“TAGUIG GHOST INFRA PROJECTS UPDATE: We have documented at least 2 case studies so far. Too many P100M slope protection and drainage projects totaling P2.085B out of the P6.79B insertions under the 2025 GAA,” ani Lacson.

“There is no turning back!” dagdag niya.

Sinabi ng senador na ang P2.385 bilyon ay bahagi ng umano’y P6.79 bilyong budget insertions sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

Sa 70 proyektong sakop ng naturang halaga, 68 umano ang naipatupad. Dalawang proyektong may halagang P75 milyon naman ang nanatiling hindi nailabas o hindi naobliga ang pondo, ayon kay Lacson.

Kabilang din umano sa paunang findings ang mga proyektong iginawad sa mga kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya Discaya ngunit ipinatupad ng ibang contractor sa ilalim ng five-percent royalty scheme.

May kahalintulad ding mga proyektong napunta sa Topnotch Catalyst Builders, isa sa 15 pinakamalalaking flood control contractors na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2025.

Ang ilang proyekto, kabilang ang mga iniugnay sa Discaya-owned firms, ay mula pa noong 2019 at 2020, nang Speaker ng House of Representatives si Cayetano.

Ayon kay Lacson, may mga depektibong proyekto ring may overlapping spans na umano’y nagbubukas ng pagkakataon para sa kickback. May ilan din umanong sinubukang kumpunihin kahit kabilang sa pinaghihinalaang ghost projects.

Patuloy aniyang nangangalap ang kanyang grupo ng documentary at testimonial evidence tungkol sa mga proyekto at sa alegasyon ng 25-percent kickback. Wala pang pinal na finding ang awtoridad sa mga paratang.

Mariing itinanggi ni Cayetano na may ghost project sa Taguig at hinamon ang mga nag-aakusa na maglabas ng ebidensiya. Iginiit niyang wala umanong natukoy na ghost project sa mga naunang pagsusuri.

Samantala, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chairperson Sen. Erwin Tulfo nitong Huwebes na posibleng imbestigahan ng komite ang mga alegasyon kapag pormal nang naisumite ni Lacson ang kanyang mga dokumento.

Rerepasuhin muna umano ng komite ang records, mga proyekto at posibleng testigo. Iiwasan din nitong ulitin ang mga kasong kasalukuyang hawak ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.

Sinabi rin ni Tulfo na planong muling imbitahan ang 18 nagpakilalang dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa susunod na imbestigasyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles