Pinangunahan ng Department of Finance (DOF) ang pagbuo ng data-sharing system na layong gawing mas kumpleto, tumpak at napapanahon ang foreign direct investment (FDI) statistics ng bansa.
Nasaksihan ni Finance Secretary Frederick Go ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ng Securities and Exchange Commission (SEC), Philippine Statistics Authority (PSA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Magtatatag ang kasunduan ng balangkas para sa ligtas na palitan ng datos ng tatlong ahensiya. Target nitong makagawa ng mas komprehensibo at internationally aligned na FDI statistics na magagamit sa pagbalangkas ng mga polisiya at pagpapaganda sa investment climate ng Pilipinas.
“Finance Secretary Frederick Go, the brains of this undertaking, months ago, called us agencies to work together to identify areas for improvement in the compilation of foreign direct investment statistics and to address existing gaps aimed at strengthening the reporting mechanism necessary for evidence-based decision making,” ani PSA Undersecretary Claire Dennis S. Mapa.
Sa ilalim ng kasunduan, ibabahagi ng SEC sa PSA at BSP ang mahahalagang corporate registration record sa pamamagitan ng SEC Swift Corporate and Other Records Exchange (SCORE) Protocol at SEC API Marketplace.
“I thank Secretary of Finance Frederick Go—who is not only the brain, but the creator of the project we’re celebrating today through the signing of this Memorandum of Agreement,” ani SEC Chairperson Francisco Ed Lim.
Magsisilbing central repository ng FDI data ang PSA. Mananatili naman sa BSP ang tungkuling bumuo at maglathala ng opisyal na FDI statistics ng bansa.
Isasama sa pinahusay na sistema ang enterprise-level information sa kasalukuyang reporting mechanisms para matugunan ang mga kakulangan sa investment data.
Magpapatupad din ng mga safeguard para maprotektahan ang kumpidensiyal na impormasyon alinsunod sa Data Privacy Act.
Inaasahang makatutulong ang mas maayos na daloy ng economic data sa paggawa ng mga desisyong nakabatay sa ebidensiya at sa pagpapalakas ng competitiveness ng Pilipinas bilang investment destination. /Bistado


