Naimbitahan ang BISTADO nitong Lunes, July 20 sa ginanap na unang SOPA o State of Province Address ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto.
Matapos ang isang taon simula ng maluklok uli siyang Governor ng Batangas at pagkalipas ng napakaraming mga intriga at kontrobersya na kanyang hinarap sa pagbabalik public service, “nandito pa rin tayo, nagpapasalamat at patuloy na gagawin ang mga nasimulan nating mga programa at adbokasiya para sa lahat ng constituents natin.”
Sa pamamagitan ng kanyang HEARTS program kung saan naka-angkla ang lahat ng mga programa mula sa Health, Education, Environment, Economic Development, Agriculture, Arts, Roads Infrastructure, Rehabilitation, Tourism, Technology, at Social Services–ipinagmalaki ni Gov. Vi sa pamamagitan ng isang “dula-tula” presentation, ang mga bagong accomplishments ng kanyang administrasyon.
Sa pamamaraang ipinakita thru a “dula-tula the Batangueno way” at sa mga testimonya ng mga direktang sektor na naging benepisyaryo ng mga programa, pinuri ang pamunuan ni Gov. Vi ng mga dumalong mga indibidwal, mga opisyal ng lalawigan, representatives ng National agencies, media at mga constituents na nagpapatunay na epektibo ang kanilang mga programa, partikular na ang “Capitol on Wheels.”
Ang Capitol on Wheels ang bagong direct to the constituents form of service na ginagawa nina Gov. Vi para sa 29 na munisipalidad at 5 component cities ng Batangas na mayroong anim na distrito.
“Kami na talaga ang lumalapit sa mga bayan-bayan, mga distritong dati ay hindi namin nararating at ang maganda diyan, lahat ng mga LGU’s at mga katulong naming opisyales ay talagang supportive at nakikiisa sa pagdadala namin ng mga serbisyo,” pakli ng ina ng Batangas.
Ilan sa mga naging highlights ng SOPA ni ate Vi ay nakatuon sa Health kung saan iniulat na mayroong 21,000 Batangueno na nakinabang sa pinalawak na libreng medical, dental at surgical services. Kasama na dito ang mga bagong pasilidad ng Dialysis Center at 100 dialysis machines sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.
Batay nga sa huling datos, umabot sa 411,741 ang kabuuang serbisyong naihatid ng mga provincial at district hospitals, mahigit 32,900 na dagdag na serbisyo kumpara sa nakaraang taon.
Sa sektor ng Education naman ay umabot na sa mahigit na 76,000 kabuuang mga scholars mayroon ang Batangas sa ngayon na binigyan ng 400 milyong piso bilang nakalaan sa pangarap ng mga Batanguenong mag-aaral.
“We make sure na may pantay-pantay na educational grant ang bawat student, kasama na yung mga natatanging mag-aaral na nag-excel sa kanilang fields, o kung tawagin namin ay Merit-Based Educational Grants Program,” saad pa ni Gov. Vi.
Mula sa 451 scholars, umakyat ang bilang nito sa administrasyon ni Gov, Vi sa bilang na 3,062.
May nakalaan ding 1.37 bilyong pondo para sa konstruksyon ng mga silid aralan na tinatayang aabot sa 841 classrooms para sa kanilang school repair program.
Nandiyan din ang programa nila sa digital education kung saan layon nitong magkaroon ng mas malawak na digital connectivity, lalo na sa mga lugar na hindi naabot ng teknolohiya gaya ng Lobo at Tingloy.
Layunin din ng pamunuan ni Gov. Vi na higit na patatagin ang Reforestation Program nila na nagpanumbalik ng 140.91 ektarya ng kagubatan at mangrove forests.
Sa pagpapalawak ng environmental protection sa pamamagitan ng LAWA at BINHI program, ine-enjoy ngayon ng 1,300 beneficiaries ang cash for work environmental conservation at food security initiatives.
Iba pa ang mga programang naka-align sa mga usaping sa TAAL Lake at Taal Volcano kung saan araw-araw silang nakamonitor sa tulong ng Phivolcs at DENR.
Tahasan ding winika ni Gov. Vi na anumang proyekto o permit na hihingin ng mga negosyante o grupong sa tingin nila ay makakasira sa kalikasan, “never kong pipirmahan. Hindi ko sila papayagan.”
Malaya din ang naging diskusyon ng media representatives kay Gov. Vi kasama ang BISTADO sa iba pang mga usapin gaya ng fake news, violence involving young people, ang state ng politics on national level, at marami pang iba, kasama na siyempre ang usapin sa kanyang showbiz work, dahil hindi maaaring alisin sa kanya ang pagiging reyna pa rin niya nito, o pagiging legend at icon ng nasabing industriya.
“Hindi na talaga iyan maaalis sa akin dahil sabi ko nga, kaya din ako naging public servant ay dahil sa pagiging Vilma Santos ko. Pero lagi naman akong nakikiusap o humihingi ng pabor sa parehong mga supporters at constituents natin sa showbiz at dito sa province. Sa ngayon talaga, tila imposible pa na makagawa man lang kahit isang project sa showbiz. Meron na sana, Gustong-gusto ko at pumayag na ako, pero may mga pangyayari at nangyari in the past na kailangan kong pumili. At dahil hindi na rin naman tayo bumabata, medyo kinausap na rin ako ng aking katawan a lot of times kaya lang minsan hindi ko pinapakinggan gawa ng mga trabaho, kaya hayun, mas napadalas ang pagkakasakit,” kuwento ni ate Vi.
Dagdag pa niya, “kaya nga nung may pagkakataon last few weeks ago, kahit sandaling-sandali lang, with my family and siblings na umuwi pa from abroad, sinamahan at nagpunta kaming lahat sa Japan to have a respite, pahinga at konting break sa lahat. Mag-bonding, mag-energize at mag-chill bago uli sumabak sa work.”
Pero nangako naman ang Star for All Seasons, na siguradong makakagawa pa siya ng movie o showbiz projects in due time.
Sa mga nakalatag sa kanyang scripts sa ngayon ay nakatuon na siyang gawin ang script ni National Artist Ricky Lee dahil gustong-gusto niya ito at kakaiba sa lahat ng nagawa na niya.
“Siyempre dapat pag ginawa ko yun, 100% na libre ang iskedyul at kondisyon ng utak at emosyon ko. It’s going to be a landmark vehicle. Kakaibang collaboration namin ito nina Ricky (Lee) at Dolly de leon,” pakli pa ni ate Vi.
Among her showbiz schedules na nakalatag na in the next few weeks at hinahanapan na niya ng iskedyul ay ang muling pagpapalabas ng “Sister Stella L ” sa restored at digitally remastered version at director’s cut nito. Nandyan din ang pagbibigay parangal sa kanya ng PMPC o Star Awards for Movies 2026 bilang kanilang “Hall of Famer” sa kategoryang Best Actress.
Ang Sister Stella L ang 1984 award-winning movie na pinuri hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa mga international festivals na kamakailan ay nagkaroon ng screening (with title SANGANDAAN), sa Il Cinema Ritrovato sa Bologna, Italy at bilang tribute na rin sa may likha nitong si direk Mike de Leon, na yumao na last 2025.
Ni-restore ito ng Philippine Film Archive (PFA) sa pamumuno ng Film Development Council (FDCP). Mula ito sa produksyon ng Regal Films na ngayong 2026 ay 42 years old na, still very relevant, significant at importanteng landmark movie sa kasaysayan ng Phil. movies.
Ang Sister Stella L ang kinokonsidera ni Ate Vi na pelikulang nagpasimula ng pagkakaroon niya ng kamulatan sa mga usaping bayan at nagbunsod din sa kanya para pag-aralan at matutunan at pasukin ang serbisyong pulitikal.


