Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Patakaran sa panghuhuli ng alimasag, hinigpitan

Hinigpitan ng Department of Agriculture (DA) ang panghuhuli ng blue swimming crab o alimasag para protektahan ang yamang-dagat, kabuhayan ng mga mangingisda at pagluwas ng produktong-dagat.

Sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), inilabas ng DA ang Fisheries Administrative Order (FAO) No. 277 na nagtatakda ng 500 metrong maximum na kabuuang haba ng gillnet sa bawat fishing operation.

Batay sa mga pag-aaral, makababawas ang limitasyon sa hindi sinasadyang pagkakahuli ng marine mammals at iba pang protected, threatened at endangered species nang hindi naaapektuhan ang episyensiya ng pangingisda.

Iniaayon din ng kautusan ang industriya sa mga pamantayan ng United States Marine Mammal Protection Act sa gitna ng mas mahigpit na sustainability requirements ng mga dayuhang mamimili, lalo na sa Estados Unidos.

“Ang industriya ng alimasag ay nagbibigay ng kabuhayan sa libu-libong mangingisda, processers, exporters, at kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng mas mahusay na pamamahala sa ating mga pangisdaan, napangangalagaan natin ang ating yamang-dagat habang tinitiyak na patuloy na makatutugon ang mga produktong-dagat ng Pilipinas sa mataas na pamantayan ng mga pangunahing pandaigdigang merkado,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

“Ang sustainability ay hindi na lamang layuning pangkalikasan. Isa na rin itong mahalagang pangangailangan para sa negosyo.”

Kabilang sa kautusan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng BFAR katuwang ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas sa pangisdaan. Papatawan ng administratibong parusa ang mga lalabag, habang rerepasuhin ang polisiya kada tatlong taon.

Binuo ang regulasyon matapos ang konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan, mangingisda, processors, scientists, environmental groups at iba pang stakeholder.

“Sa pamamagitan ng mas mahusay na pamamahala at aktibong pakikilahok ng mga komunidad ng mangingisda at mga katuwang sa industriya, mapangangalagaan natin ang ating yamang-dagat, maseseguro ang mga kabuhayan, at mapapanatili ang ating access sa pandaigdigang merkado,” ani BFAR National Director Elizer Salilig.

Para naman kay Fisheries Undersecretary Drusila Bayate, mahalaga ang kautusan sa muling pagbubukas ng US market sa alimasag mula sa Pilipinas.

“Isa itong mahalagang hakbang upang maibalik ang ating access sa merkado ng Estados Unidos, na isa sa pinakamahalagang merkado ng ating iniluluwas na alimasag,” aniya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles