CALAMBA CITY, Laguna — Maglulunsad ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna ng centralized emergency hotline at siyam na ambulansiya para mapabilis ang pagresponde sa mga residenteng nangangailangan ng agarang tulong medikal.
Inanunsiyo ni Laguna Gov. Sol Aragones ang “Ambulance on the Go” sa kanyang unang State of the Province Address (SOPA) sa Laguna Sports Complex sa Santa Cruz noong Lunes.
Sa pamamagitan ng hotline, agad na makahihingi ng ambulansiya ang mga residente. Kasalukuyang itinatayo ang system habang sumasailalim sa pagsasanay ang mga medical personnel.
“This is a dream come true for the province,” ani Aragones, kasabay ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa suporta sa programa.
Sisimulan ang serbisyo sa October sa ikaapat na distrito, na kinabibilangan ng Santa Cruz at 15 pang munisipalidad sa silangang Laguna.
Ayon kay Aragones, magdaragdag pa ng mga ambulansiya at palalawakin ang programa hanggang sa unang distrito kapag may sapat na pondo.
Kasabay nito, anim na bagong Akay ni Gob Botika ang bubuksan sa anim na lungsod. Mayroon nang botika ang pamahalaang panlalawigan sa lahat ng 24 munisipalidad at anim na lungsod, ngunit kailangan pang dagdagan ang mga ito dahil sa paglaki ng populasyon.
Umakyat sa 3,687,345 ang populasyon ng Laguna noong 2024 mula 3,382,193 noong 2020.
Palalawakin din mula apat tungong 10 uri ang libreng maintenance medicines para sa hypertension, mataas na cholesterol at mataas na blood sugar.
Patuloy naman ang pagsasaayos at paglalagay ng karagdagang kagamitan sa walong district hospital at isang provincial hospital ng Laguna.
Inilahad din ni Aragones ang mga serbisyo ng Laguna Mega Clinic, isang outpatient facility na inaasahang makatutulong na mabawasan ang dami ng pasyente sa mga district hospital.
Bahagi ang pasilidad ng 2027 development roadmap ng lalawigan para palakasin at mailapit sa mga residente ang serbisyong pangkalusugan. /Bistado


