Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P43.19M droga, wildlife products nasamsam sa magdamagang PNP ops

Umabot sa P43.19 milyon halaga ng hinihinalang iligal na droga at endangered wildlife products ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa loob lamang ng 24 oras.

Isinagawa ang mga operasyon mula alas-8 ng umaga noong July 17 hanggang alas-8 ng umaga noong July 18, 2026. 

Dalawang High-Value Individual (HVI) at isang hinihinalang sangkot sa wildlife trafficking ang naaresto.

Pinakamalaking huli ang naitala sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City, kung saan naharang sa drug interdiction operation ang 20 papasok na parcel.

Nakuha sa mga parcel ang tinatayang 4,298 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P29,226,400 at 4,385 gramo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng P6,577,500.

May nakita rin umanong cocaine sa mga kargamento. Umabot sa P35,814,500 ang kabuuang standard drug price ng mga kontrabandong nasabat sa Pasay.

Sa General Santos City, arestado ang isang babaeng HVI sa pagpapatupad ng search warrant. Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 227.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,549,040.

Isang lalaking HVI naman ang nahuli sa buy-bust operation sa Cagayan de Oro City. Nakuha sa kanya ang tinatayang 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,040,000.

Samantala, isang suspek ang inaresto sa Madridejos, Cebu, sa magkatuwang na operasyon ng PNP at Philippine Coast Guard (PCG) laban sa ilegal na pagproseso ng karne ng endangered giant clam.

Nasamsam ang sariwang karne ng giant clam, mga pinatuyong seahorse, processing equipment at iba pang ebidensyang tinatayang nagkakahalaga ng P3,783,900.

Patuloy ang manhunt operation laban sa lima pang natukoy na suspek na nananatiling nakatakas.

Sa kabuuan, umabot sa P39,403,540 ang halaga ng nasamsam na ilegal na droga at P3,783,900 naman ang endangered wildlife products, para sa pinagsamang halagang P43,187,440. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles