Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA: 450K mangingisda apektado ng gulo sa West Philippine Sea

Hindi lamang teritoryo ang nakataya sa West Philippine Sea. Kabuhayan ng 453,246 rehistradong mangingisda at malaking bahagi ng suplay ng isda sa bansa ang nakasalalay sa ligtas na paggamit nito.

Sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea Arbitral Award, binigyang-diin ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Fisheries Drusila Esther E. Bayate ang halaga ng pagprotekta sa mga pamayanang pangisdaan.

“Ang kapakanan ng mahigit 450,000 rehistradong mangingisda at ang seguridad sa pagkain ng milyun-milyong Pilipino ay nakasalalay sa patuloy, ligtas at sustenableng access sa masaganang pangisdaang ito,” ani Bayate.

Batay sa datos noong June 30, pinakamarami sa mga rehistradong mangingisdang nakaharap sa West Philippine Sea ang nasa Palawan, kasunod ang Pangasinan, Batangas at Cavite.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nagmula sa lugar ang 16.68 porsiyento ng marine capture fisheries production ng bansa mula 2006 hanggang 2025.

Habang bumababa ang kabuuang produksiyon ng pangisdaan, tumaas nang halos 28 porsiyento ang produksiyon mula sa West Philippine Sea sa pagitan ng 2022 at 2025. Umabot sa halos 20 porsiyento ang ambag nito sa kabuuang huling isda noong 2025.

Umabot naman sa P40.05 bilyon ang halaga ng huli noong 2025, halos 80 porsiyentong mas mataas kumpara noong 2006. Iniugnay ito sa limitadong suplay, matatag na demand, implasyon at pagtaas ng presyo ng isda.

Kabilang sa kinakaharap ng mga mangingisda ang malalakas na bagyo, mahal na krudo, ilegal na pangingisda, pagkasira ng marine habitats at pangha-harass ng Chinese militia sa mga tradisyunal na pangisdaan.

Bilang tugon, pinalalawak ng DA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagbuo ng mga kooperatiba, pagsasanay sa negosyo, seaweed farming at pamamahagi ng bangka at kagamitang pangisda sa ilalim ng F/B PAGBABAGO Program.

Naglalaan din ang pamahalaan ng cold storage, smokehouse at solar fish dryer para mabawasan ang post-harvest losses. May pagsasanay din para sa kababaihan sa fish processing, food safety, at paggawa ng value-added products.

Noong 2024, tumanggap ng P3,000 fuel assistance ang 18,539 mangingisda mula sa 10 lalawigang sakop ng West Philippine Sea.

Nakikipagtulungan din ang BFAR sa mga ahensiyang pandagat para labanan ang ilegal na pangingisda at palakasin ang pagbabantay sa karagatan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles