Tinalo ng Pilipinas ang Myanmar, 25-21, 28-26, 25-22, upang angkinin ang ikalimang puwesto sa SEA Men’s V Cup na ginanap sa Candon City Arena sa Ilocos Sur nitong Sabado.
Si Louie Ramirez, na naglaro sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Cup, ay nagtala ng 14 na puntos mula sa 11 attacks at tatlong blocks para sa Alas Pilipinas.
Nag-ambag si Joshua Magalaman ng 12 puntos, dahilan upang ma-itala niya ang tatlong sunod na laban na may double-digit na puntos sa torneo na nagbibigay ng FIVB world ranking points.
Pinuri ni coach Angiolino Frigoni ang koponan dahil sa matatag nitong ipinakitang laro sa ilalim ng matinding pressure bagaman nabuo lamang dalawang buwan na ang nakalipas.
Maagang naiwan ang Pilipinas ng hanggang anim na puntos at huli na lamang nakalamang bago tuluyang maipanalo ang dikit na unang set sa loob ng 26 minuto.
Hindi rin agad natakasan ng Alas Pilipinas ang walang ranggong Myanmar sa sumunod na dalawang set ngunit sapat ang ipinakita upang makumpleto ang straight-sets na panalo.
“We started in a very bad way. They were very tense. When you are afraid to make mistakes, you make mistakes,” ani Frigoni.
Ang Myanmar, na unang beses na lumahok sa torneo, ay nagtapos na walang panalo sa tatlong laban.
Nasa labas ito ng top 125 sa FIVB world rankings.
Nagtala si Kyaw Aung Myo ng 16 na puntos mula sa 14 attacks at dalawang blocks, habang umiskor si Aung Ye Lin ng 12 puntos mula sa 11 attacks at isang block.
Samantala, maglalaban para sa kampyonato ang Cambodia at Indonesia ngayong Linggo simula 5:30 p.m.
Ginulantang ng Cambodia ang defending champion Thailand, 25-21, 16-25, 25-23, 25-17.
Nanaig naman ang Asian Volleyball Confederation Men’s Cup champion Indonesia kontra Vietnam, 25-22, 25-20, 25-22.
Maghaharap ang Thailand at Vietnam para sa bronze medal alas dos ng hapon.


