Binati ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte sa pagtaas ng kanyang net satisfaction rating, pero iginiit niyang tuloy ang impeachment trial laban sa bise presidente.
“Congratulations dahil mataas ang satisfaction ratings, pero tuloy pa rin ang impeachment proceedings laban sa Pangalawang Pangulo dahil ang pagpapanagot sa kanya ay mas mabigat na usapin kaysa sa kahit ano pa,” ani Ridon.
Sinabi ng mambabatas na hindi dapat ituring ang general satisfaction rating bilang direktang sukatan ng suporta o pagtutol ng publiko sa impeachment.
“Tingin ko mahirap i-conflate iyong satisfaction performance ratings sa impeachment proceedings, not just at the level of the Senate but also at the level of the House,” paliwanag niya.
Ayon kay Ridon, mas angkop sa pagsukat ng sentimyento ng publiko sa kaso ang survey na tuwirang nagtatanong kung pabor o tutol ang respondent sa impeachment.
“There are surveys relating specifically to public support for the impeachment. So I think that would be the most relevant survey question and survey result,” sinabi niya.
Iginiit din ni House impeachment adviser at spokesperson Robert Ace Barbers na hiwalay ang constitutional process sa popularidad ng isang opisyal.
“Ang impeachment kasi ay proseso ng accountability,” ani Barbers. “Kaya hindi dapat tinitingnan itong accountability dahil sa popularity,” dagdag niya.
Ayon kay Barbers, sinusukat ng survey ang public sentiment sa isang takdang panahon, pero hindi nito pinapalitan ang tungkulin ng Senate impeachment court na dinggin ang Articles of Impeachment at timbangin ang ebidensiya ng prosekusyon at depensa.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) mula June 20 hanggang 29, umakyat nang dalawang puntos ang net satisfaction rating ni Duterte mula moderate +29 noong March patungong good +31 noong June.
Nasa 58 porsiyento ng respondents ang satisfied sa kanyang pagganap, 26 porsiyento ang dissatisfied at 15 porsiyento ang undecided. Noong March, 54 porsiyento ang satisfied, 25 porsiyento ang dissatisfied at 21 porsiyento ang undecided.
Kinukuha ang net satisfaction sa pagbabawas ng porsiyento ng dissatisfied mula sa satisfied. Gumagamit ang SWS ng mga hindi pa nira-round na numero sa pagkukuwenta ng final rating.
Isinagawa ang survey sa 1,200 adult Filipino sa pamamagitan ng face-to-face interviews. May error margin itong plus o minus three percentage points sa national results at plus o minus six percentage points sa bawat survey area.
Pinakamataas ang rating ni Duterte sa Mindanao sa excellent +84. Sumunod ang Visayas sa good +36, Balance Luzon sa moderate +10 at Metro Manila sa neutral +3.
Mula March, tumaas nang limang puntos ang rating niya sa Balance Luzon at dalawang puntos sa Mindanao. Hindi nagbago ang Visayas, habang bumaba nang dalawang puntos ang Metro Manila.
Nanguna rin si Duterte sa ratings ng mga pangunahing opisyal. Nakakuha si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng neutral -7, Senate President Sherwin Gatchalian ng moderate +18, Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng neutral +8 at Chief Justice Alexander Gesmundo ng moderate +10.
Nakatakdang ipagpatuloy ng senator-judges sa Lunes ang pagtalakay sa mga kahilingan ng prosekusyon para sa bank, tax at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records.
Sa Martes, nakatakdang tumestigo si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag bilang huling prosecution witness sa Article IV. Susunod na ihaharap ng panel ang ebidensiya sa Article I tungkol sa confidential funds. /Bistado


