Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Usok sa Canada wildfire delikadong umabot sa US bago ang World Cup final

Ang usok na tinatangay pahilaga mula sa malawakang wildfire sa Canada ay nagdulot ng paglala ng kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng hilagang-silangang Estados Unidos, dahilan para magdala ng pangamba sa kalusugan bago ang 2026 FIFA World Cup final sa Linggo (Lunes, 3am sa Pilipinas).

Magsasagupa ang defending champion Argentina at Spain sa New York New Jersey (MetLife) Stadium sa New Jersey.

Naglabas ng mga air quality advisory ang mga awtoridad sa New York at New Jersey noong Huwebes matapos kumalat sa rehiyon ang usok mula sa daan-daang aktibong wildfire, na karamihan ay mula sa sunog sa Ontario.

Ayon sa mga opisyal, isang heat dome ang bumabalot sa lugar na nagkulong sa maliliit na particulate matter malapit sa lupa, dahilan upang hindi madaling maglaho ang usok at lalo pang lumala ang kalidad ng hangin.

Hinimok ng New York City Department of Health ang mga residente na limitahan ang pananatili sa labas ng bahay, iwasan ang mabibigat na pisikal na aktibidad, at mag-ingat lalo na para sa mga bata, nakatatanda at mga taong may sakit sa paghinga.

Ang MetLife Stadium ay isang open-air venue na walang bubong. Inaasahan ang humigit-kumulang 82,500 manonood.

Sa unang pagkakataon, magkakaron ng halftime show ang World Cup final, na tatampukan nina Madonna, Shakira, BTS, Justin Bieber and Burna Boy. Inaasahang tatagal ng 11 minuto ang pagtatanghal, na binuo ni Chris Martin ng bandang Coldplay.

Naaapektuhan na rin ng usok ang paghahanda para sa final.

Binago ng Spain ang sesyon nito sa New Jersey noong Huwebes, kung saan pinaikli ang oras ng media access dahil sa kondisyon ng hangin.

Samantala, halos hindi naman naapektuhan ng usok ang Argentina, na nagsasanay sa Atlanta area.

Sa semifinals, tinalo ng Spain ang France, 2-0. Nanaig naman ang Argentina kontra England, 2-1.

Maglalaban para sa third place ang England at France sa Linggo, 5am (oras sa Pilipinas).

Wala pang inaanunsyong plano ang FIFA o ang mga lokal na awtoridad na ipagpaliban o kanselahin ang laban.

Ang inaasahang pag-ulan bago ang final ay maaaring makatulong upang bumuti ang kalidad ng hangin bago ang kickoff.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles