Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Marcos itinulak ang mas malakas na kalakalan sa Indo-Pacific

SINGAPORE – Itinulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes ang mas matatag na kooperasyon sa kalakalan at pamumuhunan ng mga ekonomiya sa Indo-Pacific.

Nakipagpulong si Marcos sa mga pinuno ng Future Economic Cooperation Council (FECC) bilang bahagi ng kanyang working visit sa Singapore.

Ang FECC ay isang economic platform na nakabase sa India. Pinag-uugnay nito ang mga lider ng pamahalaan at negosyo para itaguyod ang malayang kalakalan, daloy ng pamumuhunan at matatag na economic partnerships sa Indo-Pacific.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nakatuon ang pulong sa pagpapalakas ng ugnayan ng mga gobyerno at negosyo sa gitna ng nagbabagong pandaigdigang ekonomiya.

Tinalakay ng dalawang panig kung paano magtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor sa pagharap sa mga pagbabago sa ekonomiya at pagbubukas ng mga bagong oportunidad sa rehiyon.

Kabilang sa magkakatulad na prayoridad ang balanseng kaunlaran, inobasyon at pagpapalakas ng katatagan ng mga ekonomiya sa Indo-Pacific.

Binigyang-diin din sa pulong ang mas mahigpit na pagtutulungan ng mga pamahalaan, negosyo at iba pang sektor sa pagtugon sa mga bagong hamon at pagsusulong ng pag-unlad na pakikinabangan ng mas maraming mamamayan.

Bahagi ang pagpupulong ng pakikipag-ugnayan ni Marcos sa mga regional business leader at investor habang isinusulong ang Pilipinas bilang destinasyon ng kalakalan at pamumuhunan.

Kaakibat din ang biyahe sa agenda ng administrasyon na palawakin ang economic cooperation sa mga katuwang sa rehiyon, makahikayat ng dagdag na puhunan at palakasin ang partisipasyon ng Pilipinas sa lumalagong ekonomiya ng Indo-Pacific. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles