Nilagdaan ng National Transmission Corporation (TransCo) at Independent Electricity Market Operator of the Philippines Inc. (IEMOP) ang kasunduang magtatakda ng malinaw na proseso sa pangongolekta at pangangasiwa ng renewable energy funds.
Isinagawa ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) noong Miyerkules, July 15, sa TransCo Main Building sa Diliman, Quezon City.
Nagtatag ang kasunduan ng operational framework para sa Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) Fund at Green Energy Auction Allowance (GEA-All) Fund, partikular sa pangongolekta at pagpapadala ng proceeds mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Kinilala rin sa MOA ang tungkulin ng TransCo bilang administrator ng dalawang pondo. Nilinaw naman ang responsibilidad ng TransCo at IEMOP sa pagpapatupad ng mga mekanismong sumusuporta sa renewable energy projects.
Hindi lumilikha ng bagong singil ang kasunduan. Parehong umiiral na charges ang FIT-All at GEA-All na ginagamit para bayaran ang mga kuwalipikadong renewable energy developers sa ilalim ng kani-kanilang programa.
Ipinapasa ang mga singil sa power consumers at maaaring baguhin ang rates batay sa eligible renewable energy capacity at kaukulang fund requirements, alinsunod sa pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Saklaw din ng MOA ang koordinasyon sa pangongolekta at remittance ng WESM proceeds. Layunin nitong gawing malinaw ang daloy ng pondo at matiyak na tama ang records at bayad.
Iniayon ang kasunduan sa Renewable Energy Market (REM) Rules. Sa ilalim nito, kailangang magbigay ang TransCo, bilang fund administrator, ng datos na kailangan sa FIT allocation.
Gagamitin din ang impormasyon para suportahan ang pag-isyu at pagberipika ng Renewable Energy Certificates (RECs), na kumakatawan sa kuryenteng nalikha mula sa kuwalipikadong renewable energy sources.
Pinalalakas din ng MOA ang data sharing sa pagitan ng TransCo at IEMOP para mapahusay ang transparency, accuracy at compliance sa pagpapatupad ng renewable energy programs.
Lumagda sa kasunduan sina TransCo President at Chief Executive Officer Atty. Joseph Omar A. Castillo at IEMOP President at Chief Executive Officer Engr. Robinson P. Descanzo.
Target ng partnership na palakasin ang koordinasyon, transparency at accountability sa pangangasiwa ng renewable energy funds at pagpapatupad ng clean energy policies ng bansa. /Bistado


