Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mary Grace Piattos et al, susunod na sa impeachment trial

Hinihintay ng publiko at House prosecution ang paliwanag ng depensa ni Vice President Sara Duterte kung tunay na confidential-fund recipients na sina Mary Grace Piattos, Milky Secuya at Kokoy Villamin o ginamit lamang ang kanilang mga pangalan sa liquidation ng pondo.

Sinabi nina House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua at Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V nitong Huwebes, July 16, na dapat masagot ang usapin sa Senate impeachment court.

Lumitaw ang nasabing mga pangalan – kasama ang marami pang ibang suspicious names – sa acknowledgment receipts na kaugnay ng confidential-fund expenditures ng Office of the Vice President (OVP) o Department of Education (DepEd).

Naging paksa ng congressional inquiry ang kanilang pagkakakilanlan matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala itong nakitang birth, marriage o death records sa ilalim ng mga pangalan.

“Siyempre, parte sila sa mga nais nating mailabas,” ani Chua nang tanungin kung matatalakay muli ang mga pangalan sa presentasyon ng prosekusyon sa confidential-funds article.

Si Chua ang dating chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nagsiyasat sa paggastos ng OVP at DepEd. Sinuri ng komite ang acknowledgment receipts at hiniling sa PSA na beripikahin ang mga pangalang nakalista sa liquidation documents.

“Naniniwala ako, inaabangan din ito ng ating mga kababayan,” sabi ni Chua.

“Itong mga pangalan bang ito ay totoo o nag-exist ba ang mga ito?” tanong niya.

Saklaw ng alegasyon ng Kamara ang P612.5 milyon na confidential funds, kabilang ang P125 milyon na inilabas sa OVP noong December 2022 at iniulat na nagastos sa loob ng 11 araw.

Inaasahang ihaharap ng prosekusyon ang financial records, liquidation documents at testimonya ng mga opisyal na humawak o nagsuri sa pondo.

“Lahat naman tayo nag-aabang kung ano ang magiging tugon dito ng defense,” ani Chua.

Ayon sa mambabatas, dapat matukoy ng ebidensya kung totoong recipients ang mga pangalan o “ginamit lamang ito para pagtakpan iyong liquidation nila ng mga pera.”

Iginiit naman ni Ortega na ang impeachment court ang tamang forum para dinggin ang mga testigo, suriin ang mga dokumento at timbangin ang ebidensya.

Inaasahang sisimulan ng prosekusyon ang presentasyon sa Article I matapos tumestigo sa Martes si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, ang huling testigo nito sa Article IV o grave threats.

Inaakusahan sa Article I si Duterte ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption at betrayal of public trust dahil sa umano’y misuse, misappropriation at irregular disbursement ng confidential funds sa OVP at DepEd.

“Ito na iyong pinakaimportanteng part,” sabi ni Ortega. “Andito na tayo. Ito na iyong perfect stage,” diin niya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles