Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P355-M grains hub binuksan sa Iloilo, 1,000 magsasaka makikinabang

DUMANGAS, Iloilo – Binuksan ng National Food Authority (NFA) nitong Miyerkoles, July 15, ang P355.4 milyong modernong grains facility para mapalakas ang pagbili, pagpapatuyo, paggiling at pag-iimbak ng palay sa Western Visayas.

Itinayo ang pasilidad sa Dumangas, isa sa pangunahing pinagmumulan ng bigas sa rehiyon. Bahagi ito ng pagpapalawak ng post-harvest infrastructure ng pamahalaan para mabawasan ang pagkalugi sa ani, mapahusay ang kalidad ng butil at mapalakas ang rice buffer stock ng bansa.

May warehouse ang integrated grains facility, 10-ton-per-hour rice mill at mga dryer na kayang magproseso ng hanggang 240 toneladang palay kada araw.

“Ito ay pamumuhunan sa seguridad sa pagkain gaya ng pamumuhunan para sa ating mga magsasaka,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., chairman din ng NFA Council.

“Ang modernong post-harvest facilities ay nagbibigay -daan sa NFA na makabili ng mas maraming palay, mabawasan ang pagkalugi sa ani, mapahusay ang kalidad ng mga butil, at magtatag ng mas malakas na reserba,” dagdag niya.

“Bawat bag na matipid at bawat bag na mabibili ay nagpapalakas sa kakayahan ng bansa na mapanatiling abot-kaya ang bigas at mayroong supply, lalo na sa mga panahong mayroong pagkagambala sa supply.”

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, malaking upgrade ang pasilidad sa procurement operations ng ahensiya sa Western Visayas.

“Hindi lang ito bagong warehouse – ito ay kahusayan at pamumuhunan sa seguridad sa pagkain,” ani Lacson.

“Ang mga modernong kagamitan ay nagiging daan para makabili tayo ng mas maraming palay, mabawasan ang pagkasira, at mabilis na mailipat ang ating mga butil sa ating imbakan. Ang mga magsasaka ay makakakuha ng maaasahang mga buyer, habang makikinabang naman ang mga consumer mula sa malakas at maasahang supply ng bigas.”

Kapag fully operational, inaasahang mapakikinabangan ang pasilidad ng mahigit 1,000 dagdag na magsasaka. Pinagsisilbihan na ng Dumangas Grains Center ang 804 rice farmers at 41 farmers’ organizations na kumakatawan sa tinatayang 2,000 miyembro.

Susuportahan din ng complex ang rice-producing areas ng Anilao, Banate, Barotac Nuevo, Dingle, Dueñas, Dumangas, Passi City at San Enrique. Tinatayang makapagbibigay ang mga lugar na ito ng 4.85 milyong bag ng palay kada taon.

Sa nakalipas na limang taon, nasa 281,782 bag ang average na taunang pagbili ng NFA sa Dumangas.

Sa bagong pasilidad, target ng ahensiya na madagdagan ang procurement capacity nito ng 3,600 bag kada araw. Katumbas ito ng tinatayang 324,000 bag sa dalawang cropping season.

Inaasahang aangat sa 10 hanggang 12 porsiyento ang palay absorption rate ng NFA sa sakop na production areas. Magbibigay ito sa mga magsasaka ng mas malaki at maaasahang merkado habang pinalalakas ang rice reserve program ng pamahalaan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles