Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ridon sa depensa ni VP Sara: ‘Yan na ba best ninyo?’

Hinamon ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang kampo ni Vice President Sara Duterte matapos kuwestiyunin ng depensa ang ilang detalye sa mga dokumento ng National Bureau of Investigation (NBI).

“May mensahe po tayo sa defense: ‘Yan na ba yung best ninyo? Parang galingan ninyo pa nang kaunti,” ani Ridon sa press conference nitong Martes bago ang pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado.

Sa cross-examination noong Lunes, tinanong ng defense si NBI Regional Director Jeremy Lotoc tungkol sa magkakaibang docket number, petsa at iba pang entries sa mga dokumentong ipinadala sa pagitan ng NBI at Department of Justice (DOJ).

Sinabi ni Lotoc na DOJ ang nagtalaga ng docket numbers. May ilang dokumento rin umanong ibinalik sa NBI para makumpleto ang mga requirement.

Ayon kay Ridon, hindi nabago ng mga isyung ito ang recorded statements na inimbestigahan ng NBI.

“Hindi nagbabago yung fact na mayroong nagbanta, mayroong pagbabanta at mayroong pinagbantaan,” aniya.

Tumestigo si Lotoc noong Lunes na itinuring ng NBI na serious, real at actual ang mga pahayag ni Duterte. Sinabi rin niyang nakakita ang ahensya ng prima facie evidence “with reasonable certainty of conviction.”

Inirekomenda ng NBI ang tatlong bilang ng grave threats at isang bilang ng inciting to sedition.

“So we’ll let them nitpick on all of these documents, no problem. Kasi hindi iyon nagbabago yung fact na mayroon pong pagbabanta,” sabi ni Ridon.

Tinalakay din sa cross-examination ang ugnayan ng Office of the President, DOJ at NBI, pati ang pagpapalitan ng mga dokumento ng dalawang ahensya.

Iginiit ni Ridon na ang pagbabalik ng DOJ sa ilang dokumento at pagsusumite ng NBI ng hinihinging materyal ay documentary compliance, hindi patunay ng pakikialam ng Pangulo.

“They are basically grasping at straws in conducting the cross,” aniya.

Nilinaw din ni Ridon na recommendatory lamang ang findings ng NBI at hindi nito ginagapos ang DOJ o Senate impeachment court.

Maaaring isaalang-alang ng DOJ ang rekomendasyon sa hiwalay na criminal proceedings. Susuriin naman ng impeachment court ang findings kaugnay ng Article IV.

Saklaw ng Article IV ang alegasyon ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay ng mga pahayag umano ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Nakatakdang magpatuloy nitong Martes ang cross-examination kay Lotoc, kasunod ang anumang redirect examination ng House prosecution. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles