Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

FDI inflows bumulusok nang 59% noong April

Bumulusok nang 58.8 porsiyento ang net inflows ng foreign direct investments (FDI) sa Pilipinas noong April dahil sa paghina ng pautang sa pagitan ng mga dayuhang kumpanya at kanilang lokal na affiliates.

Batay sa preliminary data ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umabot lamang sa $250 milyon ang FDI net inflows, mula sa $607 milyon noong April 2025.

Pinakamalaking dahilan ng pagbagsak ang net investments sa debt instruments, na lumagpak sa $44 milyon mula $522 milyon. Ang debt instruments ay pangunahing binubuo ng pautang sa pagitan ng foreign direct investors at kanilang subsidiaries o affiliates sa Pilipinas.

Halos hindi gumalaw ang reinvestment of earnings, na nasa $80 milyon mula $81 milyon.

Umakyat naman sa $127 milyon mula $4 milyon ang net equity capital. Tumaas sa $136 milyon mula $112 milyon ang placements, habang bumaba sa $9 milyon mula $108 milyon ang withdrawals.

Sa unang apat na buwan ng 2026, umabot sa $1.968 bilyon ang net inflows ng FDI. Mas mababa ito nang 26.5 porsiyento sa $2.675 bilyon noong kaparehong panahon ng 2025.

Mula January hanggang April, bumaba sa $1.218 bilyon ang net investments sa debt instruments mula $2.042 bilyon. Lumiit din sa $285 milyon mula $332 milyon ang reinvested earnings.

Hindi sapat ang pagtaas ng net equity capital para saluhin ang pagbaba ng dalawang FDI components. Umakyat ang net equity capital sa $464 milyon mula $302 milyon.

Nanguna ang Japan, United States at Singapore sa pinagmulan ng equity capital placements. Karamihan sa mga puhunan ay napunta sa manufacturing, financial and insurance activities, at real estate.

Saklaw ng FDI data ng BSP ang aktuwal na pondong pumasok sa bansa, kabilang ang net equity capital, reinvestment of earnings at intercompany debt.

Itinuturing na direct investment ang paglalagak ng isang nonresident investor na may hindi bababa sa 10 porsiyentong equity sa isang lokal na kumpanya.

Iba ito sa approved foreign investment data ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula sa investment promotion agencies. Ang mga iyon ay mga ipinangakong puhunan na maaaring hindi agad o lubusang maisakatuparan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles