Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Gurong SK kagawad din, pinaiimbestigahan dahil sa ‘mahalay’ na post

Nanawagan ang mga grupo sa Valenzuela ng imbestigasyon sa isang social media post na umano’y inilathala ng gurong halal ding opisyal sa Barangay Veinte Reales.

Sa joint statement, sinabi ng Valenzuelanos for Good Governance (V4GG) at Angat Kabataan Valenzuela (AKV) na nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga magulang at residente laban kay Sangguniang Kabataan (SK) Kagawad Jayvee Valeroso Agustin.

Ayon sa mga grupo, guro rin si Agustin. Ang post ay umano’y inilathala noong June 18, 2026 at naglaman ng pahayag at temang itinuring ng reklamante na mahalay at hindi angkop para sa guro at halal na opisyal.

“Walang lugar sa ating mga paaralan ang anumang anyo ng malisyoso, seksuwal na pahiwatig, o mahalay na nilalaman na maaaring magdulot ng panganib o pangamba sa ating mga mag-aaral,” saad ng pahayag.

Sa isang kalakip na screenshot, makikita ang tila video frame ng isang babae na may text na: “Tapos ang eksena, syempre, mga kiddie meal. Matataas mga semilya nyan.”

Makikita naman sa isa pang screenshot ang pangalang Jayvee Valeroso Agustin sa isang post na may petsang June 16. Nakalagay rito ang: “Ok alam kona ipapagawa ko next time ” sa ibabaw ng isang reel mula sa account na Strongthor Young na may petsang June 14.

Sinabi ng V4GG at AKV na naiulat nang tinanggal ang naturang post pero nananatili ang pangamba at mga tanong ng publiko.

Nilinaw ng mga grupo na hindi nila layuning hatulan ang sinuman. Iginiit nilang dapat patas at masusing imbestigahan ang anumang alegasyon ng hindi angkop na asal ng guro, lalo kapag sangkot ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Hiniling nila sa St. Mary’s Academy of Sto. Niño Inc., Department of Education (DepEd) at Pamahalaang Barangay ng Veinte Reales na magsagawa ng independiyente at transparent na imbestigasyon.

Magpapadala rin umano ang V4GG ng pormal na liham sa DepEd para maipaabot sa mga kinauukulan ang mga reklamo at mabigyan ang mga ito ng atensiyon at aksyon alinsunod sa umiiral na patakaran at proseso.

“Walang puwang ang anumang uri ng kahalayan o asal na maaaring magbanta sa kapakanan ng kabataan sa ating mga paaralan. Ang mga guro ay dapat maging huwaran ng dangal, hindi pinagmumulan ng pangamba,” pagtatapos ng pahayag. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles