Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng 2024 Performance-Based Bonus o PBB sa mga kuwalipikadong ahensya at kawani ng gobyerno.
Inilabas ng Department of Budget and Management nitong linggo ang kopya ng Resolution No. 2026-1 na may petsang Hulyo 2. Pormal nitong inanunsyo ang pag-apruba ng Office of the President sa PBB para sa Fiscal Year 2024.
Dumaan muna ang panukala sa pagsusuri ng technical working group o TWG na binuo sa ilalim ng Executive Order No. 61 na inilabas noong 2024.
Inaatasan ng EO No. 61 ang pamahalaan na bumuo ng mas simple at maayos na performance management at incentives system sa gobyerno.
Pinagsasama nito ang Results-Based Performance Management System at Performance-Based Incentive System sa mga hakbang para mapadali ang pagnenegosyo.
Naglabas din ang TWG noong Hulyo 3 ng Memorandum Circular No. 2026-1 na naglalaman ng mga patakaran sa pamamahagi ng 2024 PBB.
Lumabas ang bagong guidelines tatlong taon matapos ilabas noong Agosto 2023 ang memorandum circular para sa 2023 PBB.
Ang naunang circular ay inilabas ng Inter-Agency Task Force on the Harmonization of National Government Performance Monitoring, Information and Reporting Systems na kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri.
Ang PBB ay isang “top-up bonus” na ibinibigay sa mga kawani batay sa kanilang performance at ambag sa pagtupad ng pangkalahatang target at mga commitment ng kanilang departamento.
Hiwalay ito sa Productivity Enhancement Incentive o PEI na ibinibigay sa mga empleyado across the board.
Dagdag din ang PBB sa iba pang benepisyo tulad ng midyear bonus, yearend bonus at taunang P5,000 cash gift.
Hindi awtomatikong makatatanggap ng PBB ang lahat ng ahensya. Susukatin muna ang kanilang performance sa apat na accountability dimensions.
Kabilang dito ang performance results, process results, financial results at citizen o client satisfaction results.
Para maging kuwalipikado, kailangang makakuha ang ahensya ng kabuuang score na hindi bababa sa 70 puntos sa 100-point scoring system na nakasaad sa memorandum circular.
Kapag nakakuha naman ang isang ahensya ng rating na mas mababa sa 4 sa alinmang eligibility criterion, hindi agad madadamay ang buong tanggapan sa diskuwalipikasyon.
Ayon sa circular, tutukuyin ang mga unit at indibidwal na pangunahing responsable sa kakulangan. Kasama rito ang pinuno ng naturang unit.
Sila ang magiging “isolated and excluded from the grant of the FY 2024 PBB” batay sa assessment at scoring system.
Sakop ng PBB ang mga kuwalipikadong kawani sa mga departamento, bureau, opisina at iba pang ahensya ng national government.
Kasama rin ang ibang executive offices, state universities and colleges, government-owned or controlled corporations, local water districts at local government units.
Puwede ring tumanggap ng PBB ang mga kuwalipikadong empleyado ng Kongreso, hudikatura, constitutional commissions, Commission on Human Rights at Office of the Ombudsman. /Bistado


