Mariing tinutulan ng Friends of Campus Animals (FOCA) ang umano’y utos ng isang mataas na opisyal ng University of the Philippines Diliman (UPD) na alisin o i-impound ang lahat ng community dogs at cats sa loob ng campus.
Ayon sa FOCA, hindi impounding ang tamang solusyon sa pamamahala ng mga hayop sa campus dahil hindi nito tinutugunan ang ugat ng problema sa pagdami ng stray animals.
Sa halip, iginiit ng grupo na dapat ipagpatuloy at palakasin ang kasalukuyang Capture, Neuter, Vaccinate, Return (CNVR) program na ipinatutupad ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA).
Ayon sa FOCA, direktang tinutugunan ng CNVR ang overpopulation ng stray animals habang pinoprotektahan ang kalusugan ng publiko at kapakanan ng mga hayop.
Mula pa noong 2019, nagtulungan na ang UP Diliman, Quezon City Veterinary Department, at Animal Kingdom Foundation (AKF) para ma-neuter, mabakunahan, at ma-microchip ang mahigit 1,500 aso at pusa sa campus.
Tumulong din umano ang CARA Welfare Philippines, Philippine Animal Welfare Society (PAWS), International Wildlife Coalition Trust (IWCT), at iba pang volunteers sa sarili nilang neutering initiatives.
Ayon sa FOCA, walang pangmatagalang benepisyo ang pag-alis ng mga community animals.
Ipinaliwanag ng grupo na kapag inalis ang mga ito sa kanilang teritoryo, napapalitan lamang sila ng bagong grupo ng hindi pa kapon at hindi pa bakunadong mga hayop.
Mas makabubuti umano na manatili ang mga aso at pusang kilala sa pagbabantay sa kanilang lugar at nakapailalim na sa neutering at vaccination program.
Sinabi rin ng FOCA na unang hakbang lamang ang CNVR sa maayos na stray animal management.
Ayon sa grupo, nakatutulong ito para mapatatag ang populasyon ng mga hayop, mabawasan ang paglalagalag at pagiging agresibo, maiwasan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng bakuna, at mapanatiling mas malusog at mas maamo ang mga ito.
Dagdag pa rito, mahalaga rin umano ang responsible feeding upang manatiling malusog ang mga hayop at maitaboy nila ang ibang gala at hindi bakunadong aso at pusa.
Nanawagan din ang FOCA ng mas agresibong information campaign tungkol sa responsableng pag-aalaga ng hayop at pagpigil sa pagtatapon ng mga aso at pusa sa campus.
Ayon sa grupo, nagsimula na silang magsagawa ng seminars tungkol sa stray animal management, tamang pag-unawa sa asal ng aso at pusa para sa kaligtasan ng mga estudyante, at pagtulong sa iba’t ibang yunit ng unibersidad sa animal-related concerns.
Iginiit ng FOCA na mahalagang mapanatiling ligtas ang mga estudyante, residente, at empleyado, ngunit hindi dapat gamitin ang usapin ng kaligtasan bilang dahilan para maging malupit sa mga hayop.
Nanawagan ang grupo sa Barangay U.P. Campus, Quezon City Veterinary Department, at mga opisyal ng UP na huwag gawing polisiya ang impounding at, sa halip, ay palakasin pa ang regular na CNVR operations, campus-wide microchipping at monitoring, vaccination at health checks, koordinasyon sa animal welfare volunteers, responsible feeding guidelines, at humane education.
Para sa FOCA, bahagi ng komunidad ng UP Diliman ang mga campus animals at para sa maraming residente, estudyante, at empleyado, itinuturing na silang kaibigan at pamilya na nararapat tratuhin nang may respeto at makataong pangangalaga. /Bistado


