Panibagong taas-presyo sa diesel ang posibleng sumalubong sa mga motorista sa susunod na linggo habang lumalala ang tensyon sa Middle East at tumitindi ang pangamba sa global fuel supply.
Ayon sa isang industry source, maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng P2 hanggang P4 kada litro sa July 14, batay sa unang apat na trading days ng Mean of Platts Singapore at foreign exchange averages.
Samantala, inaasahang halos hindi magbabago ang presyo ng gasolina, na maaaring magkaroon ng rollback na P1 kada litro o dagdag-presyo.
Dumarating ang inaasahang diesel hike habang nananatiling malakas ang demand para sa middle distillates at masikip pa rin ang physical supply.
Nakakadagdag din sa pressure sa presyo ang pangamba na maaaring maapektuhan ang Russian diesel exports dahil sa tumitinding Ukrainian drone attacks.
Mas stable naman ang presyo ng gasolina dahil sapat ang regional supply at steady ang demand sa Asia.
Pero maaari pa ring sumikip ang gasoline market habang lumalakas ang konsumo sa Northern Hemisphere dahil sa peak summer driving season.
Kasabay nito, maaaring limitahan ng refinery maintenance at production cuts ang supply.
Kapag natuloy ang taas-presyo, panibagong dagdag-gastos ito para sa mga motorista at mga sektor na heavily dependent sa diesel, kabilang ang transport at delivery services. /Bistado


