Napilitan si Phoenix coach Charles Tiu na gumawa ng mga pagbabago sa sistema para sa nalalapit na PBA Governors’ Cup matapos ang biglaang pag-alis ng dalawa nilang malaki.
“Medyo nag-adjust kami. We changed our philosophy. We’ll be playing more small-ball,” pagkukwento ni Tiu sa pba.ph.
Kinailangan ang pagbabagong ito matapos biglang umalis sa Fuel Masters sina Matthew Daves at Prince Caperal dahil sa magkaka-ibang dahilan.
Ang kanilang pag-alis ay nangyari matapos kunin ng Phoenix bilang import si BJ Johnson, isang natural na winger.
Upang mapunan ang kakulangan sa ilalim ng basket at masuportahan sina Kai Ballungay, Jason Perkins at rookie na si Will Gozum, kinuha ng Phoenix ang beteranong si Justin Chua.
Pinag-aaralan din ng koponan ang posibilidad na idagdag sina Bradwyn Guinto at Rafi Reavis upang lalo pang palakasin ang kanilang frontline.
Mas lalo pang naging mahirap ang sitwasyon ng Fuel Masters dahil nakararanas si Ricci Rivero ng problema sa likod, habang sina Francis Escandor at mga rookie na sina Dave Ando at Tony Ynot ay nagpapagaling din ng kani-kanilang mga injury.
“Sa practices nga, mga 11 players lang available,” ani Tiu. “Good thing injuries ngayon pa lang and not during the conference.”
Dahil dito, inaasahang mas lalong mag-aambag ang mga natitirang malulusog na manlalaro habang nagpapagaling ang kanilang mga kasamahan.
“We just have to have that next man up mentality. Some guys are hurt so other guys would be given the chance to prove themselves, play some heavy minutes,” ani Tiu. “Let’s see how it translates.”
Magsisimula ang Governors’ Cup sa Hulyo 10 sa Ynares Center sa Antipolo. TNT ang defending champion.
Bubuksan ng Phoenix ang kampanya nito laban sa Magnolia kinabukasan sa paglipat ng season-ending conference sa Ynares Center sa Montalban.
“My modest goal is to compete every night. Ako I just want a team which believes we can win every game, bring it every night,” ani Tiu.
“Last conference we made the playoffs, which is good kasi nga first time for quite some time. Pero up-and-down pa rin siya,. We had some games na we looked really good but we also had some games when we looked really bad,” dagdag nya.
“So I’m really looking for some consistency sa team and hopefully we can compete for a playoff spot again.”


