Hinimok ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert de Leon ang graduates ng University of the Philippines (UP) Diliman College of Engineering na tanggihan ang substandard work, panindigan ang integridad, at gamitin ang kanilang kakayahan para pagsilbihan ang sambayanang Pilipino.
Sa talumpati sa Undergraduate and Graduate Recognition Rites ng kolehiyo nitong Miyerkules, July 8, sa University Theater sa UP Diliman, sinabi ni de Leon sa Class of 2026 na mahalaga ang papel ng engineers sa pagsasalin ng public plans tungo sa mga proyektong tunay na nagsisilbi sa komunidad.
Ikinumpara ni de Leon ang engineering sa government budgeting, kung saan ang national budget ay nagsisilbing blueprint para sa mga kalsada, paaralan, ospital, transport system, at iba pang public investments.
“The Philippines needs engineers in and around public service, not simply because government needs better projects, but because engineers are trained to make things real, to close the gap between what is designed and what is delivered,” sabi niya.
Ayon kay de Leon, kayang sukatin ng examinations ang technical knowledge, pero ang integridad ay masusubok sa mga desisyong gagawin ng graduates sa kanilang karera.
“Ang inyong board exam ay magiging sukatan ng inyong kaalaman, ngunit hindi nito masusukat ang pinakamahalagang bagay, ang inyong integridad. Iyon ay susukatin ng buhay,” sabi niya.
“Your signature has meaning. It may determine whether a bridge stands, whether a drainage system works, whether a family is protected, or whether a community survives,” dagdag niya.
Hinimok niya ang graduates na tumanggi sa trabahong alam nilang mali, kahit may pressure.
“The line between a safe structure and a collapsed one is sometimes drawn by one person willing to say no,” sabi ni de Leon.
Nagbabala rin siya laban sa mediocrity. “Huwag masanay sa ‘puwede na,’ lalo na kapag alam ninyong mali,” sabi niya.
Pinaalalahanan din ni de Leon ang graduates na ang kanilang UP education ay sinuportahan ng buwis ng mamamayang Pilipino.
“Their money helped bring you here. Your work must find its way back to them,” sabi niya.
Gamit ang DBM bilang gabay, sinabi ni de Leon sa mga graduates: “Design systems that work. Build with integrity. Monitor with accountability.”
Hamon niya sa kanila, patuloy na piliin ang bansa, “even when it is hard, especially when it is hard.”
“The Philippines does not need perfect engineers. It needs honest ones,” sabi ni de Leon.
Idinaos ang recognition rites sa magkahiwalay na morning at afternoon sessions para sa undergraduate at graduate programs. /Bistado


