Tinamaan ng Saudia Airlines Boeing 787 ang nakaparadang Philippine Airlines (PAL) Airbus A320 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Martes ng gabi, July 7, dahilan para masira ang dalawang aircraft at makansela ang Saudia flight.
Nangyari ang insidente dakong 11:38 p.m. habang nagmamaniobra sa ground ang Saudia aircraft.
Batay sa initial information, tumama ang left wingtip ng Saudia jet sa rudder ng vertical stabilizer o tail fin ng PAL aircraft na nakaparada sa Bay 25.
Walang naiulat na nasaktan.
Ayon sa PAL, walang pasahero o crew sa loob ng aircraft nito nang mangyari ang insidente.
“PAL confirms that one of its parked aircraft was struck by another aircraft during ground maneuvering,” sabi ng airline sa statement. “The aircraft has been withdrawn from service pending a technical assessment.”
Nagtamo ng malaking pinsala ang rudder ng PAL aircraft, habang nasira rin ang wingtip ng Saudia aircraft.
Ang eroplano ng Saudia, na patungong Jeddah at reportedly may sakay na 252 passengers, ay kinailangang kanselahin ang flight matapos ang insidente.
Sinabi ng PAL na nakikipag-coordinate ito sa airport at aviation authorities na nagsasagawa na ng imbestigasyon.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng ground collision. /Bistado


