Maagap na nakiusap si Regine Velasquez-Alcasid sa mga fans o tagahanga niya na nakakaluwag-luwag naman daw na mas unawain na lang at magparaya sa mga taong wala talagang pambili ng ticket para mapanood siya.
Sa isang madamdaming FB post ng singer-actress-host, pinakiusapan nito ang mga tagahanga at yung mga nais magsamantala sa pagbibigay nila ng second night na libreng concert.
Ang FINALE, ang magsisilbing last concert ni Regine na ayon din sa kanya ay siyang magiging regalo niya sa mga tagahanga niya na sinuportahan siya for 40 years.
Noon pa binalak ni Regine na magpapahinga muna siya sa pagkakaroon ng concert, subalit hindi rin naman niya sinabing hindi na rin siya magku-concert.
Ang kanyang kapatid na si Cacai Mitra na tumatayo ding kanyang manager ang siyang magpu-produce ng two night concert na FINALE na magaganap ngayong October 17 at 18 sa SM MAll of Asia Arena.
Ang Oct 17 lamang ang magiging for sale, habang ang Oct 18 date naman ay magiging libre na sa publiko.
Magsisimulang buksan sa publiko ngayong July 30, sa ganap na ika-6 ng gabi ang pamimigay ng free tickets para sa naturang Oct, 18 concert date. Padadaanin ito thru SM ticketnet at sisiguruhing mga deserving ones ang makakatanggap ng naturang mga tickets.
Sa kanyang FB post, sinabi ni Regine:
“Hello guys, I’m excited, nervous and anxious, sama-sama na at nagkakagulo na ang feelings ko (emoji) but most importantly I’m really grateful. I am thankful to my sister Cacai kasi siya talaga ang nag-isip nito, and actually, siya ang producer ng concert na ‘to, not me. Gusto niya na sa last concert ko, maka-pagpasalamat kami sa inyong lahat.”
“Siya ang naghahanap ng mga tutulong samin para kahit papano, matulungan kami sa sa cost. As you all know, ang mahal produce ng concert ngayon.”
“Ang pakiusap lang namin sana sa mga nakakaluwag, ibigay na natin ‘yung free night dun sa mga hindi talaga makabili ng tickets. Para naman sa mga nangarap mapanood ako live, mabigyan sila ng pagkakataon makita ako. Maraming salamat sa 40 years, love you, guys.”


