Maraming natutunan ang Gilas Pilipinas sa pagkatalo sa New Zealand tatlong araw na ang nakakaraan.
Nakatuon na ang pansin nila sa Australia sa pagtatapos ngayong Lunes ng unang yugto ng FIBA World Cup qualifiers sa RAC Arena sa Perth.
Magsisimula ang laro 6:30 ng gabi.
Nanalo ang Tall Blacks kontra Gilas, 106-102, sa double overtime noong Biyernes sa Sphere Arena sa Auckland.
Nagkaroon ang Gilas ng ilang pagkakataon upang tuluyang maungusan ang home team ngunit nabigo silang tapusin ang trabaho sa huling bahagi ng regulation at sa unang overtime.
Nagtala sina Juan Gomez De Liano at Kevin Quiambao ng tig-23 puntos upang pangunahan ang koponan ng Pilipinas.
Nagtapos ng may limang puntos lamang si Justin Brownlee, na buong gabing binantayan ng double team ng New Zealand.cx
Samantala, madaling dinomina ng Australia ang kulelat na Guam, 124-52, sa Perth noon ding Biyernes.
Wala pa rin talo sa Group A ang world No. 6 Australia (5-0).
Nagliyab ang Boomers mula sa three-point line at nagtala ng bagong all-time World Cup qualifier record na 24.
Pitong manlalaro ng Boomers ang nakapuntos mula sa three-point range sa pangunguna sina Tyrese Proctor (6), Angus Glover (5) at baguhan na si Bryce Cotton (4).
Nagtala si Proctor ng game-high na 22 puntos, habang umiskor si Glover ng 19 at si Cotton ng 18 para sa Australia, na tumira ng mataas na 47 porsiyento (24-of-51) mula sa three-point range.
Ang 24 na three-pointers ng Boomers ay pumawi sa dating World Cup qualifiers record na 22, na itinala ng Mexico laban sa Colombia noong 2023.
Ang 72-puntos ay ikalawang pinakamalaking winning margin sa World Cup qualifiers record.
Hawak ng Croatia ang pinakamalaki (73) sa 123-50 panalo kontra Cyprus noong sa European qualifiers noong Biyernes.
Bumagsak ang Gilas sa ikatlong puwesto na may 2-3 rekord matapos matalo sa ikatlong sunod na pagkakataon, kabilang ang 93-66 na pagkatalo laban sa Australia sa Pilipinas noong second window, habang ang New Zealand ay umangat sa solo second (3-2).
Ang tatlong koponan ay pawang nakapasok na sa ikalawang yugto ng torneo na nakatakdang idaos simula Agosto 24.
Ang Guam naman ang tanging koponang hindi nakapasok mula Group A, taglay ang 0-5 rekord. Makakaharap nito ang New Zealand sa huli nitong laban ngayon ding Lunes.
Sa 13 laro sa World Cup Qualifiers, ang Australia ay may average winning margin na 29.3 puntos at napigilan ang bawat kalaban na maka-iskor ng higit sa 80 puntos sa bawat laro.
Naka-iskor din ang Australia ng 90 o higit pang puntos sa 13 magkakaibang laro.


