Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Gloria Diaz, “ganda, tikas ng awra at appeal ang hanap sa beauty contest”

Naniniwala pa rin si Gloria Diaz na nakabatay sa ganda, tikas ng awra at kakaibang appeal ang dapat na taglayin ng isang lalahok sa beauty contest.

“Kaya nga it’s called beauty contest,” ang diretso nitong paliwanag sa mga nagsasabing nag-evolve na daw ang mga beauty contests sa buong mundo dahil nilagyan na ito ng mga ‘advocacy platform at iba pang usapin’ na dinadala o bitbit ng patimpalak.

Ayon sa kauna-unahang MIss Universe winner ng Pilipinas noong 1969, kung may nagbago man sa depinisyon ng kagandahan ay dala umano yun ng mga teknolohiya at siyensya, “but never the standards of having good looks if not pleasant looking, the way one carries herself on stage be she in her gown or in her swimsuit, and the confidence that comes from within,” ganun pa rin daw ang standards ng beauty in a beauty contest, ayon kay Diaz.

Dagdag pa ng beauty queen actress, “There’s no difference. You don’t choose the ugliest or something. It’s still the prettiest who wins. Appearance pa rin ang unang basehan. The one who’s best dressed wins, the best in a bathing suit—it’s still the same at the end of the day. Maybe the outfits are different.”.

Kamakailan lamang sa pagdaraos ng ika-60 taon ng Binibining Pilipinas Inc, Charities ay surpresang iginawad kay Diaz ang kauna-unahang Binibining Pilipinas Sisterhood of Hall of Fame.

Bilang pinaka-unang Pinay beauty na nagdala ng mapa ng bansa sa pinakatanyag na international beauty pageant, nararapat lamang daw na si Diaz ang maging unang recipient, maging mukha at halimbawa ng tinatawag na Sisterhood of Hall of Fame ng mga Binibining Pilipinas products.

Ayon sa pamunuan ng organisasyon na itinatag sa pamumuno ni Madam Stella Marquez de Araneta (ang first ever Miss International 1960 at naging pinay dahil sa pagpapakasal kay Jorge Araneta), taon-taon na nilang ipagkakaloob ang naturang Hall of Fame award sa mga naging produkto ng Binibining Pilipinas.

Kahit daw ang mga dating kandidata o naging representatives ng bansa under Binibining Pilipinas franchise na hawak ng organisasyon noon gaya ng Binibining Pilipinas World, at ilan pang minor international titles kung saan nagkaroon ang bansa ng magandang pwesto at impact sa lipunan, ay posible ding mabigyan ng naturang award.

Taong 1964 pa nang unang maipasa-ilalim ng Araneta Group of Companies ang Binibining Pilipinas Charities Inc, subalit noong 1967 lamang ito sinimulang pamahalaan ni Madam Stella Marquez de Araneta.

Taong 1952 pa naman nagsimulang magpadala ng kalahok ang Pilipinas sa naturang beauty pageant, kung saan nag-umpisa na ngang makilala ang ganda ng mga babaeng pinay hanggang sa manalo na si Gloria Diaz noong 1969.

Nasundan pa ang victory ni Diaz nang tatlong beses sa panahon nina Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015) at Catriona Gray (2018).

Mayroon na ring limang  Miss International winners na na-produce ang Binibining Pilipinas mula kina Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013), at Kylie Verzosa (2016).

Si Gemma Cruz na kauna-unahan nating Miss International noong 1964 ay hindi pa sakop ng Binibining Pilipinas nang ipadala sa nasabing pageant.

Hindi na rin mabilang ang napakaraming mga placements na nagawa din ng iba pang mga kalahok na ipinadala ng bansa. Mayroon na tayong mga winners bilang first runners-up, third runners-up, fourth, sixth at ilang beses na ding pumasok sa top ten, top six, top five at top twenty sa Miss Universe, Miss International, Miss World, Miss Intercontinental, Miss Maja International, Miss Globe, at iba pang international beauty franchise under Binibining Pilipinas.

At para kay Diaz, “ganda” pa rin ang numerong taglay ng ating mga kababaihan kaya’t umaangat at napapansin tayo ng buong mundo.

“Powerhouse” na nga kung tawagin at ituring ng mga nasa beauty contest sector ang Pilipinas, at may advantage na ang tinatawag na “sash factor” kung nire-represent mo ang Pilipinas sa international scene.

Kaya naman para kay Diaz, palamuti na lamang ang mga tinatawag na ‘advocacy’ upang matawag na may ‘laman at sustansya’ ang pagiging maganda.

Hindi umano ito dapat gawing numerong batayan o ituring man lang na ‘major factor sa pag-judge’ dahil at the end of the day, “in any beauty contests, beauty must prevail.”

“The advocacy, that’s only palamuti—the decorations. The judges really just want to see how charming the girls are, how pretty they are. When they say their advocacy, it’s only for the stage. I don’t think anybody follows it,” hirit pa ng kilalang direct to the point at prangkang magsalita, smart at maganda pa ring Gloria Diaz.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles