Naglabas ang Department of Agriculture (DA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ng iisang panuntunan para sa tax exemption ng mga kuwalipikadong pasilidad na imbakan ng produktong agrikultural.
Naglabas ang Department of Agriculture (DA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ng iisang panuntunan para sa tax exemption ng mga kuwalipikadong pasilidad na imbakan ng produktong agrikultural.
Nilagdaan nina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla Jr. ang Joint Memorandum Circular (JMC) upang ipatupad ang tax relief sa ilalim ng Sagip Saka Act.
Saklaw ng JMC ang exemption sa local real property tax para sa kuwalipikadong structures, buildings, at warehouses na ginagamit sa pag-iimbak ng agricultural inputs at ani, basta hindi lalampas sa P3 million ang assessed value.
Ipinatutupad nito ang Section 12(b) ng Sagip Saka Act at sinusuportahan ang Executive Order No. 101, series of 2025, na nag-uutos ng full implementation ng batas para mas makinabang ang farmers, fisherfolk, cooperatives, associations, at agri-businesses.
Ayon kay Tiu Laurel, ang JMC ay “isang mahalagang hakbang sa patuloy nating pagsisikap na ganap na maisakatuparan ang layunin at pangako ng Sagip Saka Act,” dahil mayroon nang malinaw at iisang framework sa pagpapatupad ng isa sa mahahalagang insentibo ng batas.
Nakasaad sa circular ang requirements, proseso, at responsibilidad ng national agencies at local government units (LGUs) para mas madali sa qualified beneficiaries na mag-avail ng exemption.
Ayon kay Tiu Laurel, hindi lang tax relief ang dulot nito. Hihikayatin din nito ang investment sa storage facilities na mahalaga sa mas matibay na agricultural supply chain.
“Napakahalaga ng mga pasilidad sa pag-iimbak sa pagpapaunlad ng agrikultura. Nakatutulong ang mga ito sa pagbawas ng post-harvest losses, pagpapanatili ng kalidad ng mga produkto, mas maayos na pamamahala ng imbentaryo, at mas episyenteng pagbebenta at distribusyon ng mga produktong agrikultural,” ani Tiu Laurel.
Mahalaga ang mga hakbang sa panahong mataas pa rin ang gastos sa transportasyon at logistics, na nagpapabigat sa mga producer at nagpapalaki sa panganib ng nasasayang na ani.
Dagdag pa ng kalihim, maaaring gamitin ang matitipid mula sa tax exemption para bumili ng mas dekalidad na agricultural inputs, modern storage systems, post-harvest facilities, equipment, at technology, at para palawakin ang agri-business operations.
Hinikayat din ni Tiu Laurel ang LGUs na makipagtulungan sa DA upang mas madaling mapakinabangan ng qualified beneficiaries ang insentibo.
Inaasahan ng DA na magtutulak ang JMC ng mas maraming investment sa storage facilities, magpapalakas sa agricultural value chains, magbabawas ng post-harvest losses, at magpapataas ng competitiveness ng food sector mula bukid hanggang pamilihan. /Bistado


