Wala nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa habang patuloy na lumalayo ang Tropical Depression Henry sa West Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa 11 a.m. bulletin nitong Miyerkules, July 1, sinabi ng Pagasa na napanatili ni Henry ang lakas nito habang kumikilos pa-kanluran.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 240 kilometers west southwest ng Abucay, Bataan. Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 55 kilometers per hour. Kumikilos ito westward sa bilis na 25 kilometers per hour.
Inaasahang lalabas si Henry ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong gabi o bukas ng madaling araw. Maaari pa rin itong lumakas at maging tropical storm pagkalabas ng PAR.
Kahit wala nang wind signal, magdadala pa rin ng strong to gale-force gusts ang periphery ni Henry at ang Southwest Monsoon o habagat sa ilang bahagi ng Luzon, lalo na sa mga coastal at upland areas.
Kabilang sa posibleng makaranas ng malalakas na bugso ang Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, at MIMAROPA.
Maaari ring magkaroon ng moderate seas sa coastal waters ng Babuyan Islands, Batanes, Isabela, Zambales, Ilocos Norte, Cagayan, Pangasinan, Bataan, northern Aurora, Ilocos Sur, La Union, Lubang Islands, Kalayaan Islands, Batangas, at Palawan.
Pinayuhan ng Pagasa ang mga mariners ng mga motorbanca at kahalintulad na maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat kapag papalaot. /Bistado


