ZAMBOANGA CITY – Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang P2.292 million halaga ng umano’y smuggled cigarettes sa checkpoint operation sa Barangay Campo Islam, Zamboanga City noong June 25.
Dalawang lalaki rin ang arestado sa operasyon na isinagawa ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company “Seaborne” katuwang ang Zamboanga City Police Station 11.
Ayon sa PNP, nasa fixed checkpoint ang mga pulis nang parahin nila ang kahina-hinalang blue-grey closed van na minamaneho ng 33-anyos na Filipino male. Kasama niya ang 31-anyos na Filipino male na nagsisilbing vanman.
Sa inspeksyon, nakita ng police personnel ang mga kahon sa loob ng sasakyan. Una umanong naging evasive ang driver bago amining sigarilyo ang karga ng van.
Nang kusang buksan ng kasama ang sasakyan, nadiskubre ng pulisya ang 40 boxes ng umano’y smuggled cigarettes na may brand name na “Walton.”
Nabigo ang mga suspek na magpakita ng importation papers, customs clearance, o anumang dokumentong magpapatunay sa legal na transport at possession ng mga sigarilyo.
Ayon sa PNP, kukumpletuhin ng Bureau of Customs (BOC) ang final inventory at valuation ng nasabat na kontrabando matapos ang inventory at labeling process.
Itu-turn over sa BOC ang umano’y smuggled cigarettes at ang sasakyang ginamit sa transport para sa proper disposition.
Samantala, ilalagay sa custody ng Zamboanga City Police Station 11 ang dalawang arestadong indibidwal para sa further investigation at filing ng appropriate charges. /Bistado


