Pinapalawak ng Pilipinas at Egypt ang kalakalan sa agrikultura at investment cooperation, tampok ang fertilizer supply, market access, at bagong export opportunities na inaasahang tatalakayin sa planong pulong ng agriculture ministers sa July.
Bukas si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa pag-uusap, na aniya’y magbubukas ng oportunidad para sa sari-sari at kapwa kapaki-pakinabang na agricultural partnership.
“Nakikita namin ang mahalagang potensiyal na palawakin ang kooperasyon sa agrikultura sa Egypt, hindi lamang sa pagtiyak ng maasahang supply ng fertilizer para sa ating mga magsasaka kundi para makabuo ng bagong mga oportunidad sa merkado para sa ating Philippine agricultural exports. Ang ating layunin ay makapagtatag ng partnership na magpapalakas sa seguridad sa pagkain, susuporta sa mga magsasaka at agribusinesses, at maisulong ang likas-kayang pag-unlad para sa dalawang bansa,” ani Tiu Laurel.
Sentro ng usapan ang fertilizer. Kabilang ang Egypt sa mga pangunahing fertilizer producers sa mundo at pinag-aaralan ang long-term supply arrangement sa Philippine stakeholders, kabilang ang Planters Products Inc.
Nangako ang Egyptian officials na magbibigay ng listahan ng fertilizer manufacturers na pwedeng magsuplay sa Philippine market, habang gumagawa ang Department of Agriculture (DA) ng feasibility study para suriin ang potensyal na pagbili.
Mahalaga ito habang naghahanap ang Pilipinas ng mas maraming pagkukunan ng agricultural inputs upang mapababa ang production costs at mabawasan ang tama ng global supply disruptions.
Sa export side, nagpahayag ang Egypt ng interes na mag-angkat ng Philippine tuna, isa sa pangunahing agricultural exports ng bansa.
Sinabi ni Tiu Laurel na tutulong ang DA na ikonekta ang mga Egyptian buyer sa mahahalagang private sector suppliers. “Ito ang win-win situation para sa Manila at Cairo, at positibo kami sa magiging resulta ng mga negosasyong ito,” anang kalihim.
Bukod sa tuna, isinusulong din ng Pilipinas ang saging, mangga, niyog, durian, tabako, suha, at dragon fruit. Interesado rin ang Egypt sa papaya at pinya mula sa Pilipinas.
Nananatiling prayoridad ang market access. Patuloy na itinutulak ng Philippine officials ang approval para makapasok sa Egypt market ang Philippine bananas at mangoes, habang umuusad ang pending negotiations para sa Specific Commodity Understanding.
Nagtutulungan din ang dalawang bansa sa kasunduan para sa halal development at iba pang agriculture-related initiatives, bilang bahagi ng mas malawak na istratehiya para palalimin ang economic ties at palakasin ang food security ng magkabilang panig. /Bistado


