Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa posibleng malalakas na ulan dulot ng Tropical Cyclone Francisco at ng Southwest Monsoon o Habagat sa ilang bahagi ng bansa hanggang Sabado ng hapon.
Sa Weather Advisory No. 11 na inilabas alas-5 ng hapon nitong June 24, sinabi ng Pagasa na inaasahan ang heavy rainfall sa Batanes dahil kay Francisco mula ngayong araw hanggang bukas ng hapon, June 25.
Maaaring umabot sa 50 hanggang 100 millimeters ang ulan sa Batanes sa naturang panahon.
Bukod kay Francisco, paiigtingin din ng habagat ang pag-ulan sa ilang lugar sa Luzon at Visayas.
Mula ngayong araw hanggang bukas ng hapon, June 25, inaasahan ang moderate to heavy rainfall na 50 hanggang 100 millimeters sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Palawan, at Antique.
Mula bukas ng hapon hanggang Biyernes ng hapon, June 26, patuloy na makakaranas ng moderate to heavy rainfall na 50 hanggang 100 millimeters ang Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.
Pagsapit naman ng Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng hapon, June 27, posibleng umulan pa rin nang moderate to heavy sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.
Nagpaalala ang Pagasa na maaaring mas mataas pa ang rainfall sa mountainous at elevated areas.
Maaari ring lumala ang epekto ng pag-ulan sa ilang lugar dahil sa significant antecedent rainfall, o naunang malakas na pag-ulan na nagpabasa na sa lupa at nagpapataas ng panganib ng pagbaha o landslide.
Pinayuhan ng Pagasa ang mga public disaster risk reduction and management office sa mga apektadong lugar na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang protektahan ang buhay at ari-arian. /Bistado


