ISABELA – Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang walong bus ng Pangasinan Five Star Bus, Inc. matapos masangkot ang isa sa mga unit nito sa isang fatal collision sa Isabela noong June 11, 2026.
Sa pahayag nitong Martes, sinabi ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II na nasawi sa road crash ang isang pedestrian na naglalakad sa national highway sa harap ng Santiago City Medical Center matapos umanong mawalan ng kontrol ang driver ng Five Star bus.
“We express our sincerest condolences to the family of the victim. We understand the pain of that loss, and we in the LTFRB would like to assure the family that we will exhaust all measures in the interest of justice and accountability,” sabi ni Mendoza.
Nasugatan din sa insidente ang dalawang pasahero ng bus. Tumama rin ang bus sa isang pickup truck na bumibiyahe sa kabilang bahagi ng kalsada.
Sa show-cause order, inatasan ng LTFRB ang Five Star na magpaliwanag nang nakasulat kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang Certificate of Public Convenience nito dahil sa insidente.
Isasailalim din sa mandatory drug test ang bus driver na sangkot sa crash.
Iinspeksyunin naman ang lahat ng walong sinuspindeng bus para sa roadworthiness.
Ayon kay Mendoza, layunin ng imbestigasyon na alamin kung maayos na sumusunod ang Five Star sa mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada.
Nakatakda ang hearing sa July 7.
Hiniling din ni Mendoza sa bus company na asikasuhin ang bayad ng insurance para sa nasawi at sa dalawang nasugatan. /Bistado


