Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Tacloban school shooting pinagplanuhan umano nang mahigit 1 buwan, ayon sa pulisya

Pinagplanuhan umano nang mahigit isang buwan ng dalawang menor de edad na suspek ang madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, ayon sa pulisya nitong Martes.

Tatlong estudyante ang nasawi at 20 ang nasugatan, ayon kay Eastern Visayas Police chief Brig. Gen. Jason Capoy. Sa bilang ng injured, 15 ang nagtamo ng gunshot wounds, habang lima ang nasugatan matapos tumalon para makaligtas.

Ayon kay Capoy, dalawang babae at isang lalaki ang napatay. Ang mga suspek ay 14 at 15 taong gulang.

“Based on our information, as early as May 1, kung hindi ako nagkakamali, April or May pa nilang pinagplanuhan,” sabi ni Capoy sa phone interview sa Camp Crame reporters.

Nakakabahala rin, ayon kay Capoy, ang reports online na pinag-usapan umano ng mga suspek kung paano maipapasok ang baril sa paaralan at tila may alam sila sa Republic Act 9344, o Juvenile Justice and Welfare Act.

“Nakakabahala din dahil parang may alam sila. Inaral din nila. Nagbabasa din ng batas,” sabi niya.

Ayon sa investigators, karamihan sa mga bala ay mula sa Glock 9mm service firearm na pag-aari ng isang police officer, na tiyahin ng isa sa mga suspek.

Ayon pa kay Capoy, ang 14-anyos na suspek ay reportedly addicted sa mobile game na GoreBox, na sinasabing may graphic violence at paggamit ng baril.

Ipinag-utos naman ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga imbestigador na bumuo ng matibay na kaso laban sa lahat ng maaaring nagbigay-daan para makuha ng mga menor de edad ang mga baril.

Ayon kay Nartatez, haharap sa hiwalay na administrative charges ang policewoman na may-ari ng 9mm pistol. Isinailalim na siya sa restrictive custody habang inaalam din ang posibleng liability ng security agency na may-ari ng .38-caliber revolver na narekober sa scene.

“With all the pieces of evidence available, I expect a solid case that can stand in court. Let this serve as a warning to all registered gun owners on the responsibility — and accountability – that comes with the privilege of owning firearms,” sabi ni Nartatez sa statement nitong Martes.

Magsasagawa rin ang National Police Commission ng motu proprio investigation sa posibleng administrative liability ng policewoman, ayon kay Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Vicente Calinisan.

“I have directed Napolcom Regional Director of Region 8 Dir. Risty Sibay to expedite their investigation. This investigation will run parallel, and in coordination with the investigation being conducted by the Philippine National Police,” sabi ni Calinisan.

Binigyang-diin ni Nartatez na dapat lubos na nauunawaan ng mga police officer at iba pang law enforcement personnel ang responsibilidad sa pagmamay-ari ng armas dahil bahagi ito ng kanilang training.

Kinilala rin ng PNP chief ang panawagan ng publiko para sa hustisya, pero nilinaw na menor de edad ang sangkot kaya kailangang sundin ang umiiral na batas at legal procedures.

Ayon kay Nartatez, makikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Justice habang umuusad ang imbestigasyon.

“Part of the investigation, however, is the determination of the accountability of the parents or guardians in relation to this unfortunate incident,” sabi niya.

Nanawagan din si Nartatez ng mas mahigpit na gabay mula sa magulang at paaralan sa social media at gadget use ng mga bata.

“Parents and guardians serve as the first line of defense. They must be present and vigilant in their children’s digital lives, treating their online activity with the same level of concern as their physical whereabouts,” sabi niya.

“We are also calling on our teachers and school administrators to act as our partners in this ‘digital watch,’ identifying early behavioral shifts or concerning interests in students so we can intervene long before any harm is done,” dagdag niya.

Patuloy ding tinitingnan ng awtoridad ang posibleng bullying angle at iba pang social factors. Ayon sa police investigators, isa sa mga suspek ang umano’y nag-post ng gun-related at violent videos online bago ang attack, kabilang ang footage ng sarili na nagpapaputok ng baril.

Sa Malacañang, pinatutyadahan naman ni Palace Press Officer Claire Castro si Vice President Sara Duterte na kesa mamuna, dapat maglatag ang opisyal ng kongkretong solusyon sa school violence.

“Magaling naman po yata siyang magpuna, pero walang solusyon na naibibigay. Sana nagbigay siya ng solusyon,” sabi ni Castro sa reporters.

Kinuwestiyon din ni Castro ang suhestiyon ni Duterte hinggil sa intelligence gathering dahil estudyante, at hindi terorista, ang sangkot sa insidente.

“Ibig sabihin, estudyante dapat minu-monitor para sa intelligence gathering? Hindi sila mga terorista, sila ay mga estudyanteng mukhang diumanong gumon lang sa online gaming na marahas,” sabi niya.

Binanggit ni Castro ang ilang violent incidents noong administrasyon ni dating president Rodrigo Duterte, kabilang ang 2019 shooting na sangkot ang isang Grade 7 student sa loob ng classroom sa Laguna.

“Sa susunod sana, bago magbigay ng pamimintas at paninira ang Bise Presidente, itanong ninyo sa kanya, ano ang kanyang suhestiyon,” dagdag ni Castro.

Bago ang Tacloban shooting, dalawang magkahiwalay na stabbing incidents na sangkot ang mga estudyante ang naitala sa Cavite noong June 16 at 19.

Nagbukas ang mga insidente ng usapan tungkol sa posibleng amendments sa Juvenile Justice and Welfare Act, pagpapahusay ng school security protocols, at regulation ng social media use para sa minors.

Nanawagan naman ang Child Rights Network (CRN) Philippines ng accountability at mas malalim na pagtingin sa mga kondisyong maaaring nagtulak sa karahasan.

“Today, families are grieving the loss of their loved ones. We mourn with them, their classmates, teachers, and communities. Every one of those lives mattered. The life of everyone affected by this incident matters.”

Ayon sa CRN, dapat manatiling ligtas ang mga paaralan para sa mga bata.

“Schools are meant to be safe spaces where children can learn, play, build healthy relationships, and discover who they want to become. They are not meant, and should never become, places where children, teachers, and school personnel have to run, hide, or fear for their lives.”

Giit ng grupo, hindi dapat makapasok ang baril sa kamay ng mga bata.

“We call for greater accountability and scrutiny of the childrens’ possession of weapons. Guns have no place in schools and should never fall into the hands of children.”

Nanawagan din ang CRN sa government, schools, at civil society na simulan ang seryosong pag-uusap kung paano gagawing mas ligtas ang mga paaralan, paano mapipigilan ang bullying at iba pang uri ng violence, at paano masisigurong may access ang mga bata sa mental health support at tulong sa panahon ng distress.

“As more information comes to light, we hope this tragedy serves not only as a moment of grief, but also a time to reflect on how we can better protect children from violence or prevent it from taking root in their lives,” ayon sa CRN.

Para sa mga batang nangangailangan ng counseling, sinabi ng CRN na maaaring i-refer sila sa MAKABATA Helpline 1383 para sa proper intervention. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles