Rumatsada ang kita ng Port of Subic sa unang quarter ng 2026, batay sa pinakabagong datos ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ayon sa SBMA, umabot sa P389 million ang port-related revenues sa unang quarter, mas mataas ng 20 percent kumpara sa P324 million noong kaparehong panahon noong 2025.
Pinakamalaking ambag ang Seaport Department na may P302 million, sinundan ng Airport Department na may P50 million at Trade Facilitation and Compliance Department na may P36 million, ayon kay SBMA Senior Deputy Administrator for Port Operations Ronnie Yambao.
Kasabay ng paglago ang mas masiglang port activity. Tumaas ng 31 percent ang vessel at cargo charges, habang umakyat ng 20 percent ang ship calls sa 463 foreign at domestic vessels.
Lumago rin ng 29 percent ang bulk at break-bulk vessel traffic, habang tumaas ng 18 percent ang liquid bulk vessel calls.
Umakyat ng 20 percent ang pilotage income, habang sumipa ng 75 percent ang kita mula tugboat services dahil sa mas mataas na demand sa port operations at maritime support services.
Tumaas din ng 24 percent ang wharfage revenues kasabay ng paglago ng container traffic. Umakyat ng 5 percent ang imports sa 28,070 twenty-foot equivalent units (TEUs).
Mas malakas ang exports, na tumalon ng 31 percent sa 15,757 TEUs.
Umakyat ng 30 percent ang non-containerized cargo dahil sa 47 percent na paglago ng bulk at break-bulk shipments.
Kabilang sa nagtulak nito ang rice, corn, soybeans, wheat, at petroleum products, na nagpapakita ng lumalaking papel ng Subic sa daloy ng pagkain, industrial goods, at fuel supply.
Ayon kay Yambao, tumaas din ng 22 percent ang bahagi ng SBMA sa cargo handling services, suportado ng mas malakas na terminal operations. /Bistado


