Diretsahang tinawag ni megastar Sharon Cuneta na mga sinungaling ang mga tinatawag na maleta boys sa pagdawit sa kanyang pangalan at sa asawang si Sen. Kiko Pangilinan na diumano’y nabigyan ng male-maletang pera kaugnay ng kontrobersyal na ‘flood control issue.’
“Mga sinungaling!!!!!!! Sobra talaga kayo!!!!! I vlogged about this visit my family and I made to Marawi to thank the Governor, Mayor, and other officials and their families for their support for Kiko,” bahagi ng nagngangalit na socmed post ni Shawie immediately after nakarating dito ang balitang isinabit na din ang kanyang name sa usapin.
Dagdag pa nito, “Talaga ba, magbibigay kayo ng maleta sa amin sa Marawi pa???!!!”
Sa naganap ngang presscon ng mga 18 sundalo na diumano’y mga naging “pawn o taga-deliver” ng dating Congressman Zaldy Co ng mga male-maletang pera para sa mga lider pulitiko, pinangalanan nga ng mga ito si Sen. Kiko Pangilinan pati na ang asawa nitong si Sharon Cuneta.
Mabilis na nag-viral ang reply post ni Shawie na sinabayan din ng reaksyon naman ni Sen. Pangilinan na nagsabi ngang magsasampa sila ng kaso laban sa mga “sinungaling” na dati umanong mga sundalo.
Ani Sen. Pangilinan, “Dahil dinamay ninyo pa ang pamilya ko, makakatikim kayo ng hindi pasaring, alegasyon, o palabas na kaso sa korte. Pananagutan ninyo ang paninirang ginagawa ninyo.”
May mga fan and supporter din si Sharon na mabilis ding nagbigay ng kanilang suporta sa kanilang idolo na kasalukuyan palang nasa taping para sa kanyang bagong series.
Sigaw pa ni Sharon, “Eto nagtetaping pa ako ngayon-nagbabanat pa rin ng buto at lumalaban ng patas, dahil lahat ng meron kami, PINAGHIHIRAPAN NAMIN!!! Hindi kami tulad ninyong mga sinungaling!!! Kaya sabi nga nila, KAPATID NG SINUNGALING ANG MAGNANAKAW!!!”
“Bahala na ang PANGINOONG Diyos sa inyo. ALAM NIYA KUNG SINO ANG TOTOONG SUMUSUNOD AT SUMASAMBA SA KANYA!!! WALA KAYONG KWENTANG TAO!!!” ang magkakasunod na post ni Sharon.
Ang tinutukoy na taping ni mega ay ang kanyang project under Dreamscape at GMA 7 kasama si Barbie Forteza.
Samantala, pinangalanan din ng naturang mga ‘maleta boys’ si GMA 7 news anchor na si Arnold Clavio at newsman Ramon Tulfo, nakatatandang kapatid nina Senador Raffy at Erwin Tulfo. Kahit si Comelec Chairman George Garcia ay idinawit na din sa nasabing alegasyon.
Pare-pareho nilang dinenay ang kanilang involvement at balita pang sasampahan din ng mga kaso ang naturang mga maleta boys kasama na ang mga umano’y ‘protectors’ ng mga ito.
Naglabas naman ng statement ang GMA 7 management na seryoso nilang iimbestigahan ang pagkakasangkot ni Clavio, bilang itinuturing nila itong isa sa mga matitibay na newsmen nila sa network.


