Pinaiigting ng Department of Agriculture ang laban sa red-striped soft scale insect (RSSI), pesteng sumisira sa tubo at nagbabanta sa industriya ng asukal.
Sa ika-40 anibersaryo ng Sugar Regulatory Administration (SRA) noong Martes, iniutos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang maramihang produksiyon ng biological control agent, isang likas na fungus na kayang supilin ang peste bago pa lumala ang pinsala.
“Iniutos ko sa SRA na direktang tugunan ang infestation ng RSSI. Mayroon tayong teknolohiya at kakayahan upang makagawa ng biological control agent laban dito,” ani Tiu Laurel. “Dapat tayong magkaroon ng sapat na biological control agents upang masaklaw ang hindi bababa sa 75,000 ektarya.”
Nagbabadya ang RSSI ng malaking dagok sa sugar industry. Sumisipsip ito ng katas ng tubo at maaaring magpababa sa sugar content ng apektadong tanim nang hanggang kalahati, na direktang tatama sa ani at kita ng mga magsasaka.
Ayon sa mga ulat na natanggap ng SRA, lumampas na sa 30 porsiyento ng kabuuang sugarcane areas sa Negros Occidental at Negros Oriental ang apektado ng RSSI. Sa ngayon, napatunayan na ng ahensiya ang infestation sa humigit-kumulang 4,600 ektarya.
May mga ulat din mula sa industriya na posibleng kumalat na ang peste sa Iloilo, Capiz, Leyte, at ilang bahagi ng Mindanao.
Unang natukoy ang RSSI sa Pilipinas noong 2022. Mula noon, itinuring na ito na isa sa pinakamalalaking banta sa industriya ng asukal.
Bukod sa pagsipsip ng katas ng halaman, nagdudulot din ang peste ng pagdami ng sooty mold, isang uri ng amag na nagpapahina sa kakayahan ng tubo na magsagawa ng photosynthesis at magbunga nang maayos.
Pinamumunuan ng SRA ang Inter-agency RSSI Task Force na itinatag noong 2025. Tuloy-tuloy ang mga hakbang para kontrolin ang peste at maturuan ang mga magsasaka kung paano isasama ang RSSI control sa kanilang planting protocols.
Sa kasalukuyan, may nakalaang humigit-kumulang P8 million ang ahensiya para sa mga anti-RSSI measures. Sinabi ni Tiu Laurel na magdaragdag pa ng pondo para sa produksiyon ng fungus at pagbuo ng artificial intelligence-based tools para sa maagang pag-detect at monitoring ng peste.
Inialok din niya ang mga laboratoryo ng Bureau of Plant Industry at iba pang pasilidad ng Department of Agriculture upang mapabilis ang produksyon ng mga biological control agent. /Bistado


