MUÑOZ CITY, Nueva Ecija – Pinabibilis ng Department of Agriculture (DA) ang paggawa ng sariling bakuna para sa mga hayop upang protektahan ang livestock industry laban sa mapaminsalang sakit at palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. nitong Lunes, June 15, ang paglagda sa kasunduan para sa pagtatatag ng Animal Vaccine Development Program (AVDP).
Ang programa ay kolaborasyon ng DA-National Livestock Program, Bureau of Animal Industry (BAI), Philippine Carabao Center (PCC), at Central Luzon State University (CLSU).
May pondong P140.9 million sa loob ng tatlong taon ang programa: P77.6 million ngayong 2026, P30.6 million sa 2027, at P32.7 million sa 2028.
Target nitong makagawa ng bakuna laban sa mapaminsalang sakit sa hayop, kabilang ang African Swine Fever (ASF) at foot-and-mouth disease (FMD), habang pinalalakas ang kapasidad ng bansa sa research, innovation, at animal health.
Dumarating ang hakbang habang patuloy na bumabangon ang hog industry mula sa ASF, na nagpabagsak sa populasyon ng baboy at nagdulot ng bilyon-bilyong pisong pagkalugi mula nang tumama ito sa bansa.
Tinamaan din ang poultry sector ng paulit-ulit na avian influenza, na nagresulta sa pagpatay sa milyon-milyong ibon at pana-panahong supply disruptions.
“Mahalaga ang pamumuhunan sa siyensiya, pagsasaliksik, at inobasyon upang protektahan ang kabuhayan, palakasin ang ating sistema sa pagkain, at pagtatatag ng mas matibay na kinabukasan para sa sektor ng hayupan,” ani Tiu Laurel.
Ayon sa DA, maaaring maging bentahe ang lokal na bakuna dahil pwede itong iangkop sa pathogen strains sa bansa, na posibleng magpataas ng bisa laban sa pagkalat ng sakit.
Unang tututukan ng researchers ang bakuna para sa ASF at FMD. Bagama’t nananatiling FMD-free ang Pilipinas, banta pa rin ang posibleng contamination mula sa mga kalapit na bansa.
Sentro rin ng plano ang pagtatayo ng Biosafety Level 3 facility, kung saan ligtas na mahahawakan ng mga scientist ang delikadong animal pathogens at mapapabilis ang vaccine development.
Inaasahan ng DA na mapapalakas ng lokal na bakuna ang depensa laban sa sakit, maibabalik ang kumpiyansa ng industriya, at mababawasan ang pinsalang pang-ekonomiya sa livestock sector. /Bistado


