Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P86.7M sirang sibuyas mula China, posibleng ipawasak ng DA

Posibleng irekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang pagwasak sa 650 metriko toneladang imported red onions mula China kapag nakumpirma sa laboratory tests na delikado na ito sa kalusugan ng publiko.

Ang shipment, na binubuo ng 72,215 sako ng pulang sibuyas, ay nakatengga sa Manila International Container Port matapos abandonahin ng importer na M2000 IMEX Company Inc., kahit may kinakailangang import permits.

Dumating sa bansa ang shipment sa pagitan ng December 2025 at January 2026 sakay ng 26 na 20-foot containers.

Tinatayang P86.7 million ang halaga nito, bukod pa sa humigit-kumulang P9.7 million na hindi pa nababayarang customs duties at buwis.

Sa joint inspection ng DA, Bureau of Customs, Bureau of Plant Industry (BPI) , at ni Sen. Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, nakita ang malawakang pagkasira ng mga sibuyas.

May mga container na tumutulo, habang may amag at sprouting na ang mga sibuyas matapos ang ilang buwang pagkakaimbak.

“Batay sa visual inspection, hindi na angkop para sa pagkain ng tao ang mga sibuyas at kinakailangang agad itong itapon. Hindi natin maaaring isugal ang kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng pagpapapasok sa merkado ng mga sirang produktong agrikultural,” ani DA Inspectorate and Enforcement Office Assistant Secretary Willie Ann Angsiy.

Gayunman, dadaan pa rin sa scientific testing ng BPI ang mga sample.

Ayon kay BPI OIC-Assistant Director for Regulatory Services Ruel Gesmundo, nakakuha na ang ahensya ng sample para sa laboratory testing at inaasahang lalabas ang resulta sa loob ng tatlong araw.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ipinapakita ng kaso ang kahalagahan ng mahigpit na pagbabantay sa imported food, mula port entry hanggang distribusyon sa merkado.

“Ang seguridad sa pagkain ay hindi lamang tungkol sa sapat na suplay. Dapat ding magkaroon ng access ang mga mamimili sa pagkaing ligtas, traceable, at sumusunod sa mga regulasyon,” ani Tiu Laurel.

“Ipinapakita ng insidenteng ito ang mahalagang papel ng matibay na border controls at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa pagprotekta sa kalusugan ng publiko at integridad ng ating sistema ng pagkain.”

Kinumpiska ng BOC ang shipment sa ilalim ng Section 1129 ng Customs Modernization and Tariff Act, na sumasaklaw sa abandoned imports.

Kasalukuyang inaayos ng mga awtoridad ang tamang disposisyon ng mga sibuyas para matiyak na hindi ito makakapasok sa merkado. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles