Umabot na sa mahigit P21.37 million ang humanitarian aid na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at iba pang bahagi ng Mindanao noong Lunes, June 8.
Batay sa Disaster Response Operations Monitoring, Information, and Communication report ng DSWD as of 6 a.m. noong Miyerkules, June 10, nakapaghatid na ang ahensya ng 15,930 family food packs, mahigit 4,000 ready-to-eat food boxes, at iba pang non-food items sa mga apektadong pamilya.
Sinabi ni DSWD Disaster Response Management Bureau Director Maria Isabel Lanada na tuloy ang relief operations at ginagamit ng ahensya ang lahat ng available resources para matulungan ang mga nasalanta.
“Lahat po ng maaaring ibigay at i-deploy para makapagbigay ng ginhawa sa mga kababayan natin na lubos na naapektuhan ay ginagawa natin. Walang dapat maiwan, walang hindi mabibigyan ng tulong. ’Yan po ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Secretary Rex Gatchalian at sa buong DSWD,” ani Lanada.
Ayon sa DSWD, umabot na rin sa P4.76 million ang cash aid na naipamahagi sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations para sa injured patients, bereaved families, at iba pang affected individuals.
Nag-deploy na rin ang DSWD Field Offices sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, at Soccsksargen ng Mobile Command Centers para magbigay ng critical information, power supply, at internet connectivity sa affected areas.
Sa latest update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga, umakyat na sa 45 ang bilang ng mga naiulat na nasawi sa lindol.
Samantala, nagpatuloy rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagdadala ng relief supplies sa Sarangani gamit ang BRP Panglao.
Ayon sa PCG, ipinadala ng PCG District Southern Mindanao ang BRP Panglao noong Miyerkules para ihatid ang ikatlong batch ng relief assistance sa Glan, Sarangani.
Inihanda ng PCG deployable response group ang 400 boxes ng relief goods, 100 jerry cans ng potable water, at 19 dispenser water jugs para isakay sa BRP Panglao.
Sa kabilang banda, namahagi rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng emergency internet at communications support sa Sarangani at iba pang quake-hit areas, katuwang ang telecommunications companies.
Sa pamamagitan ng DICT Region 12, nag-deploy ang ahensya ng Starlink kits, charging stations, at free internet sa ilalim ng Government Emergency and Communications System at Free Public Internet Access Program.
“Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mabilis ang koordinasyon at tuloy-tuloy na komunikasyon sa panahon ng sakuna, bilang bahagi ng mas pinalakas na disaster response at digital resilience,” ayon sa DICT.
May free internet access sa Glan Municipal Plaza sa Glan, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Alabel, evacuation center sa Maasim, Incident Management Team City Disaster Risk Reduction and Management Office sa General Santos City, IMT PDRRMO sa Koronadal City, Office of Civil Defense Regional Office 12 sa General Santos City, at Balut Island.
Nag-deploy din ang Globe ng satellite-to-mobile service para sa free data at messaging sa customers sa South Cotabato, Sultan Kudarat, at Sarangani sa pamamagitan ng partnership nito sa Starlink.
Ayon sa ulat, ito ang unang paggamit ng Globe ng Starlink satellite-to-mobile technology para sa disaster at emergency response sa Pilipinas.
Nagbigay naman ang PLDT at Smart ng connectivity support sa General Santos City command center para matiyak ang communications ng responders sa coordination, emergency response, at recovery operations sa gitna ng power outages at state of calamity sa lungsod.
Nagbukas din ang PLDT Sales and Service Center sa General Santos City ng free WiFi, device charging, at national direct dial calls para sa publiko.
“PLDT and Smart are also working with local authorities to deploy additional communications support to critical sites and areas requiring connectivity assistance,” ayon sa PLDT-Smart. /Bistado


