Tuloy ngayong Lunes, June 8 ang Senate Blue Ribbon Committee hearing sa umano’y anomalya sa flood control projects, sa ilalim ng pamumuno ni Sen. Erwin Tulfo.
Inimbitahan ng komite bilang resource persons sina dating House Speaker Martin Romualdez, Ombudsman Jesus Crispin Remulla, ML Party-list Rep. Leila de Lima, at iba pang personalidad na pinangalanan ng 18 dating military personnel sa alegasyon ng cash-filled suitcases.
Inimbitahan din ni Tulfo ang 18 dating military personnel na nagsabing naghatid umano sila ng kickbacks sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno at iba pang personalidad.
“We will invite them…I’m compelling them to attend. Otherwise, the blue ribbon will file contempt charges,” ani Tulfo sa panayam noong Biyernes.
Ayon kay Tulfo, iimbitahan din sa hearing ang lahat ng senador, kabilang ang grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Ang June 8 hearing ang itinuturing ng kampo ni Tulfo na lehitimong pagpapatuloy ng imbestigasyon sa flood control anomalies.
Ito ay matapos ituloy ng Cayetano bloc noong nakaraang linggo ang hiwalay na pagdinig sa flood control scam sa ilalim ni Sen. Pia Cayetano, na iginigiit ng kanilang grupo na nananatiling chair ng Blue Ribbon Committee.
Nangyari ang pagdinig ng Cayetano bloc matapos kumilos ang 12 senador para ilagay si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President sa gitna ng leadership dispute sa Senado.
Sa ilalim ng Gatchalian-led bloc, itinalaga si Tulfo bilang bagong chair ng Blue Ribbon Committee.
Nauna nang sinabi ni Tulfo na hindi official hearing ang Cayetano-led probe at ang lehitimong imbestigasyon ay pangungunahan ng komiteng hawak niya.
Tampok sa June 8 hearing ang mga alegasyon tungkol sa bilyun-bilyong pisong flood control funds at umano’y cash deliveries na binanggit ng 18 dating military personnel.
Ayon sa mga naunang ulat, kabilang sa mga inimbitahan ang mga personalidad na pinangalanan sa claims tungkol sa umano’y mga maletang may lamang pera.
Dahil dito, inaasahang magiging mabigat ang pagdinig sa Lunes, lalo na’t nakapaloob dito ang tatlong isyu: flood control anomalies, cash delivery claims, at sigalot sa Senado kung sino ang may lehitimong awtoridad sa Blue Ribbon Committee. /Bistado


