Iginiit ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi mapipigil ng umano’y paninira sa House prosecution panel ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Ridon na malinaw umanong target ng June 4 Senate Blue Ribbon Committee hearing ang House prosecutors bago pa magsimula ang impeachment trial sa Senate impeachment court.
“Yun po ‘yung malinaw sa bahagi po ng House prosecution panel. Talaga po ‘yung pagpupulong noong nakaraan ay targeted to discredit the House prosecution panel para paglunsad po ng trial, meron pong credibility questions hanging over the prosecution,” ani Ridon.
Ginawa ni Ridon ang pahayag matapos maglabas ng alegasyon ang grupo ng 18 former Marine officers sa Senate Blue Ribbon Committee hearing na dinaluhan nina Senate President Alan Peter Cayetano at iba pang senador na kaalyado umano ni Duterte.
Ayon sa mga umano’y dating Marine officers, nag-deliver umano sila ng cash-filled luggage sa ilang lawmakers at personalities, kabilang ang mga House impeachment prosecutor.
Pero para kay Ridon, walang basehan ang mga alegasyon at tila ginawa para pahinain ang tiwala ng publiko sa impeachment case laban kay Duterte.
Giit niya, mananatiling nakatutok ang prosecution panel sa paghahanda para sa trial.
“At hindi ho makakapigil ‘yun pong ganitong slander laban sa House prosecution panel sa pagtutuloy sa paglalantad ng katotohanan sa Senate impeachment court proceedings,” sabi ni Ridon.
“Impeachment trial is coming,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Ridon na ilalatag ng prosecution ang lahat ng ebidensyang hawak nito laban sa Vice President kapag nagsimula na ang paglilitis.
“Kahit ano pong ibato ng 18 marines at ng kung sino man ho na sumusuporta sa pangalawang pangulo, tuloy po impeachment trial. We will not be deterred,” ani Ridon.
“The evidence will be presented on the bank accounts, on the [Anti-Money Laundering Council] transactions, on each and every piece of evidence needed to convict the Vice President,” dagdag niya.
Diretso ring itinanggi ni Ridon ang alegasyong nadawit siya sa umano’y cash deliveries.
Ayon sa kanya, wala ang pangalan niya sa affidavit na unang lumabas mula sa former Marines at tila isinama na lang siya sa hearing.
“Halimbawa na lang po sa akin, noong [February] po lumabas ‘yung affidavit, pero ni minsan hindi po ako nabanggit sa listahan po na ‘yun. Ire-reiterate ko today, I was never mentioned in that affidavit at parang hinabol na lang ‘yung pong pangalan ko during that meeting with the 18 marines,” ani Ridon.
“Kahit kailan, kahit saang panahon, kahit saan mang lugar, wala po akong natanggap na maleta.”
Ayon kay Ridon, hindi dapat malihis ang impeachment process dahil sa mga akusasyong aniya ay bahagi ng pagtatangkang sirain ang kredibilidad ng prosecution team.
Ang House of Representatives ay nag-impeach kay Duterte noong February matapos iendorso ng 257 lawmakers ang verified complaint.
Ang Senado, na uupo bilang impeachment court, ay nakatakdang magsimula ng pre-trial proceedings ngayong buwan.
Nakatakdang magsimula ang trial sa July 6. /Bistado


